March 29, 2025 | Saturday

UVCC Daily Devotion

Ang Magpakumbaba O Makipag-Away

Today's Verses: Genesis 33:10-11 (ASND)

10Pero nagpumilit si Jacob, “Sige na, tanggapin mo na iyon. Kung totoong pinatawad mo na ako, tanggapin mo na ang regalo ko sa iyo… 11Tanggapin mo na ang regalo ko sa iyo dahil napakabuti ng Dios sa akin at hindi ako nagkulang sa mga pangangailangan ko.” Pinilit ni Jacob si Esau hanggang tanggapin na ni Esau ang mga regalo niya.


Read Genesis 33

Mas madali bang magpakumbaba at iwasang makipag-away o ang makipag-away na lang at iwasang magpakumbaba?


Matapos ang matagal na alitan, nagkita muli sina Jacob at Esau. Sa kanilang pagkikita, ipinakita ni Jacob ang kanyang pagpapakumbaba at pagpapatawad sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga handog kay Esau, bilang tanda ng pasasalamat at pagpapala mula sa Diyos. Matapos mag-insist ni Jacob, tinanggap ni Esau ang mga handog, na nagpahiwatig ng kanilang muling pag-kakasundo at kapayapaan.


Malaking hamon sa atin bilang tao ang magpakumbaba. Hindi normal ang pagpapakumbaba kung ang pagiging tao ang pag-uusapan. Ang pagpapakumbaba ay hindi natural na bahagi ng ating pag-uugali bilang tao. Sa pagpapakumbaba, kailangang may kapangyarihan ang Diyos sa atin para matalo natin ang ating pantaong naisin na iwasang magpakumbaba. Napakalaki ng mga kabutihang dulot ng pagpapakumbaba. Kapag tayo ay nagpapakumbaba, naiiwasan ang pag-aaway, lumalambot ang puso ng ating kausap, nagkakaroon ng pagkakasundo o nagiging daan tayo ng pagkakasundo, napaparangalan natin ang Diyos, napapangiti natin ang Panginoon, umaaliwalas ang kapaligiran, gumagaan ang ating pakiramdam, mas nasusunod natin ang kalooban ng Diyos, nagiging daluyan tayo ng pagpapala, at marami pang iba. Maging ang pagpapala na dumarating sa ating buhay ay mas nae-enjoy natin kasama ang ating pamilya, ang ating Christian community, at anumang samahan na ating kinabibilangan.


Kaya't payagan natin na araw-araw tayong pangunahan ng Diyos. Pakinggan natin ang boses ng Espiritu mula sa Biblia. Bigyan daan natin ang gabay ng Panginoon. Hilingin natin ang lakas na kaloob ng Diyos. Bilangin din natin ang mga pagpapala ng Diyos sa ating buhay at, dahil dito, maging mapagpasalamat tayo sa biyaya ng Diyos na lakas, kakayahan, at mga oportunidad.

Panalangin:


Aking Diyos Ama, ako’y nagpapakumbaba sa Iyo dahil sa iyong kapangyarihan at sa Iyong kabutihan. Salamat sa sukdulang biyaya Mo para ako ay pagpapalain sa samu’t-saring paraan. Ngayon, gamitin Mo po akong daluyan ng iyong kapayapaan at pagpapala.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Job 29-30

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions