March 25, 2025 | Tuesday
UVCC Daily Devotion
Pinagpala At Nagsumikap Dahil Sa Panginoon
Today's Verses: Genesis 30:29–30 (ASND)
29 Sinabi ni Jacob, “Alam mo kung paano ako naglingkod sa inyo at kung paano dumami ang mga hayop ninyo dahil sa pag-aalaga ko. 30 Nang dumating ako rito, kakaunti pa lang ang mga hayop nʼyo, pero ngayon ay napakarami na, dahil pinagpala kayo ng Panginoon dahil sa akin. Ngayon, dapat na sigurong magsumikap ako para sa sarili kong sambahayan.”
Read Genesis 30
Alin dapat ang mas una: nagsumikap kaya pinagpala, o pinagpala kaya nagsumikap?
Sa Genesis 30:29-30, ipinaliwanag ni Jacob kay Laban na sa kabila ng kanyang pagsisilbi ng labindalawang taon, wala siyang natamo na kabayaran kundi ang mga alagang hayop. Ipinakita ni Jacob na sa pamamagitan ng kanyang sipag at pagkakaroon ng mga malulusog na kawan, naging masagana ang ari-arian ni Laban. Gayunpaman, ipinaabot ni Jacob na nais niyang magtamo ng sarili niyang pag-aari, kaya't humiling siyang makuha ang mga may puting batik na hayop bilang kanyang kabayaran.
Marami ang nalilito kung pagpapala ba ng Diyos o pagsusumikap ba ng tao ang mas mauuna. Kung walang magpapaliwanag nang biblikal, ang mga taong nakamasid ay nakakaranas ng ‘misinformation’ o di kaya ay kanya-kanyang diskarte. Ang iba ay umaasa sa pakikinig sa ‘prosperity gospel.’ Ang ibang tao naman ay pilit na nagsusumikap na makaahon sa buhay nang hiwalay sa Diyos, o kaya’y may pananaw na “tsaka na ang Diyos.” Ito ay ang pananaw na unahin muna ang pagpapayaman, magtrabaho, o magnegosyo, at balikan ang Diyos kapag ayos na sila materially at financially. Alin ka man dito, nais ng Diyos na isaayos ang iyong kalituhan at misinformation tungkol sa Kanya. Ang Diyos ay makapangyarihan at may soberenya. Wala tayong magagawa kung hindi ipahintulot ng Diyos. Wala kang pag-aari o anumang meron ka na hindi galing sa Diyos. Maski ang ating mga kakayahan, husay, at mga oportunidad na dumarating ay biyaya mula sa Diyos. Kaya’t bago tayo makagawa ng anuman, dapat muna tayong pagpalain ng Diyos ng talento, lakas, at oportunidad. Ang pinagsamang biyaya ng Diyos at iyong desisyon na magsipag, mararanasan mo ang tagumpay na nais ng Diyos para sa iyo. Ibang usapin na kung paano ginagamit ng tao ang talento, lakas, at oportunidad na kaloob ng Diyos sa maling paraan.
Ikaw ba ang may naisiin na umasenso sa buhay ayon sa kalooban ng Diyos? Yan ang tanong na kailangan sagutin ng lahat ng tao – lalo na ng mga tunay na Kristiyano. Huwag balewalain ang palaisipan at katotohanan na ito. Ikaw ay pinagpala ng Diyos ng kakayahan, husay, at mga oportunidad. Kung pahahalagahan mo ang Diyos higit sa sa lahat, lalo mong matatamasa ang buhay na pinagpala.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, salamat sa iyong pagpapala sa akin. Salamat sa mga kakayahan, husay, at mga oportunidad mula sa Iyo. Nawa, kilalanin kita, sambahin at paglingkuran Ka sa araw-araw ng aking buhay.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang sinabi ni Jacob kay Laban tungkol sa paglilingkod niya at sa pagpapala ng Diyos (vv.29-30)? Ikumpara ito sa sinabi ni Laban kay Jacob (vv.27-28)
Ano ang masasabi mo sa pagpapala ng Diyos sa iyong buhay?
Paano ka magsusumikap ayon sa pagpapala ng Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions