March 21, 2025 | Friday

UVCC Daily Devotion

Ang Pagtawag Pansin Ng Diyos

Today's Verses: Genesis 28:15 (ASND)

Alalahanin mo palagi na kasama mo ako at iingatan kita kahit saan ka pumunta. Pababalikin kita sa lupaing ito at hindi kita pababayaan hanggang sa matupad ko ang aking ipinangako sa iyo.”


Read Genesis 28

Tinatawag ba ng Diyos ang iyong pansin kamakailan?


Habang natutulog si Jacob, bigla siyang binigyan ng isang makapangyarihang pangitain. Sa pagkakataong iyon, ipinakita sa kanya ng Diyos ang isang kamangha-manghang tanawin—isang hagdang umaabot mula sa lupa patungong langit, na may mga anghel na umaakyat at bumababa. Tumambad ito kay Jacob, na parang isang tawag ng pansin mula sa Diyos. Ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pangako kay Jacob, na Siya’y makikipagtipan sa kanya at magbibigay ng lupaing iyon, at hindi Siya aalis hanggang matupad ang lahat ng Kanyang pangako.


Pansinin na ang pagtawag pansin ng Diyos sa atin ay espesyal at hindi isang simpleng pangyayari. Ito ay mahiwaga pero kayang unawain. Ang pangungusap ng Diyos ay bahagi ng Kanyang dakilang plano para sa iyong buhay. Kapag tinatawag ng Diyos ang pansin mo, ito ay may kalakip na mga pangako — mga pangako ng gabay, ng proteksyon, at ng pagpapala. Bahagi natin bilang tao na hindi ito dapat ipagsawalang-bahala. Ang tawag ay isang malalim na paalala ng Kanyang pagmamahal at pagtutok sa atin. Ang Diyos, sa Kanyang kabutihan, ay nagsasabi ng Kanyang kalooban. Sa espesyal na pagkakataon, iniimbitahan Niya tayo na makinig at magtiwala sa Kanyang plano. Kahit tayo ay may kaabalahan sa buhay, kinakailangan pa rin natin ang maging ‘spiritually alert’ upang matanggap ang Kanyang mensahe. Sa maraming paraan dumating ang pakikipag-usap ng Diyos. Maaaring ito ay sa panaginip, sa mga sitwasyon ng buhay, o sa buhay ng mga taong nasa paligid natin. Ngunit higit sa lahat, ang Diyos ay patuloy na mangungusap sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Salita — ang Banal na Kasulatan. Ito ang malinaw na gabay natin sa lahat ng panahon.


Magsipag sa pagbabasa ng Bibliya para mapaghandaan ang pagdating ng panahon na kakausapin ka ng Diyos. Siguradiong gagamitin Niya ang Kanyang Salita upang ikaw ay maliwanagan. Maraming masasayang pagkakataon kung pababayaan natin ang ating relasyon sa Diyos. Kaya't maging masigasig sa pakikinig sa Kanya. Ihanda ang puso sa pagsunod at maging matatag at matibay ang loob upang makamit ang mga pangako ng Diyos.

Panalangin:


Aking Diyos Ama, nais kong makatanggap ng iyong pangungusap. Ako’y Iyong gabayan at bigyan ng lakaspara mamuhay ayon sa Iyong kalooban.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Job 21-22

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions