March 18, 2025 | Tuesday
UVCC Daily Devotion
Ang Mapalitan Ang Takot Ng Pananampalataya
Today's Verses: Genesis 26:24 (ASND)
Nang gabing dumating siya, nagpakita sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Ako ang Dios ng iyong ama na si Abraham. Huwag kang matakot dahil kasama mo ako. Pagpapalain kita at bibigyan ng maraming lahi dahil kay Abraham na aking lingkod.”
Read Genesis 26
May takot ba sa puso mo na gumagambala sa iyo?
Sa Genesis 26:24, si Isaac ay kinausap at pinapalakas ng Diyos sa isang panaginip. Nangako ang Diyos na magiging kasama siya at pagpapalain siya dahil sa kanyang ama na si Abraham. Pinagkalooban si Isaac ng Diyos ng proteksyon at tagumpay. Ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pagnanais na magtulungan sila upang mapanatili ang mga pangako sa pamilya ni Abraham. Sa panahong iyon, nagsimula nang maramdaman ni Isaac ang patuloy na paggabay at pagpapala ng Diyos sa kanyang buhay.
Maraming tao ang may kanya-kanyang takot. Ang takot na ito ay gumagambala sa isipan at puso kaya’t nagsisimula kang mag-alala. Ang takot ay may pinagmumulan. Hindi ka maaaring matakot nang walang dahilan. Kapag may mga sitwasyon na hindi natin kontrolado, o kaya may mga taong umuusig sa atin, o kaya’t tayo mismo ay nagugulumihanan, doon nagsisimula at lumalaki ang takot. Maaaring mamuhay ang tao sa takot dahil sa mga problema na nagpaparamdam. Ang mas matindi pa nito ay ang takot na nagmumula sa mga problemang hindi pa naman nangyayari. Tawag diyan ay ‘overthinking’. Kapag lumala ang takot dahil sa ‘overthinking’, ito ay nagiging ‘panic attack’. Makinig ka, kapatid: ayaw ng Diyos na ikaw ay mamuhay sa takot. Kung takot sa mga tao at problema ang namamayani sa puso mo, hindi ka makakapag-isip ng maayos. Hindi mo masasamba ang Diyos ng buo. Hindi mo masusunod o mapapaglingkuran ang Diyos nang nararapat. Ang Diyos ay may kapangyarihan na palitan ang iyong takot ng pananampalataya. Siya ay nagpaparamdam sa iyo, may mensahe Siya para sa iyo. May sapat na panahon ka ba para kay Panginoong Jesus?
Magbigay ng oras para kay Panginoong Jesus. Makinig ng maayos kapag nangungusap ang Diyos sa iyo. Nandiyan ang iyong Biblia para basahin at makilala ang Diyos. Kung matagal ka nang nagdadahilan na abala ka at hindi mo binibigyan ng sapat na panahon ang Diyos, ngayon na ang araw para magsisi, magpakumbaba, at disiplinahin ang paggamit ng iyong oras at araw. Gamitin ang iyong buhay upang magbigay-pugay sa Diyos. Kapag ito'y ginawa mo, pansinin mo na unti-unting maglalaho ang takot sa iyong puso. Makakaranas ka ng higit pang pagpapala mula sa Diyos. Higit pa rito, magiging daluyan ka ng pagpapala at lakas ng loob sa ibang tao.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, pawiin mo ang takot sa aking puso at ito’y palitan Mo ng pananalig sa Iyo. Ikaw pa rin ang aking Diyos, Panginoon, at Tagpagligtas.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang pangungusap ng Diyos kay Isaac?
Bakit nabanggit ng Diyos kay Isaac ang kanyang ama na si Abraham?
Nagbibigay oras ka ba para sa Panginoong Jesus?
Nakikinig ka ba ng maayos kapag nangungusap sa iyo ang Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions