March 11, 2025 | Tuesday

UVCC Daily Devotion

Lungkot Man Ay Maranasan

Today's Verses: Genesis 23:5–6 (ASND)

5 Sumagot ang mga Heteo, 6 “Ginoo, makinig ka muna sa amin. Kilala ka namin na isang tanyag na tao, kaya maaari mong ilibing ang asawa mo kahit saan na pinakamabuting libingan dito sa amin. Walang sinuman sa amin ang magkakait sa iyo ng kanyang libingan para mailibing mo ang asawa mo.”


Read Genesis 23

Tunay nga ba na ang mabuting pakikitungo sa kapwa ay may mabuting dulot kalaunan?


Sa Genesis 23:5-6, nang mamatay si Sarah, nagpunta si Abraham sa mga Hittite upang makipag-usap tungkol sa pagbili ng libingan para sa kanyang asawa. Pinagbigyan siya ng mga Hittite at inialok na kumuha ng kahit anong lugar sa kanilang lupa. Tumugon ang mga Hittite, na nagpapakita ng paggalang kay Abraham, at inisip nila siya bilang isang mahalagang tao, kaya't nag-alok ng isang maayos na transaksyon para sa libingan.


Hindi maiiwasan na dumating ang lungkot sa buhay. Anuman ang dahilan ng lungkot, tiyak na may pighati tayong mararamdaman. Ngunit ang mga tao sa ating paligid, na natulungan natin, ay magbabalik ng kabutihan at pagpapahalaga sa atin. Katulad ni Abraham, na nakaranas ng matinding lungkot nang mawalan ng mahal sa buhay, ipinapakita nito na ang lungkot ay bahagi ng ating paglalakbay sa buhay. Subalit, higit pa sa mga pagsubok at lungkot na dumarating ay ang patuloy na pagtupad ng mga pangako ng Diyos sa ating buhay. Sa kabila ng masamang karanasan, ang katuparan ng mga pangako ng Diyos ay nagaganap. Katulad ni Abraham na nakabili ng isang maliit na lote na nasa lupang ipinangako ng Diyos sa kanya, kailangan din nating tingnan ang mga pangyayari sa ating buhay sa ganitong pananaw. Sa kalagitnaan ng lungkot, patuloy na kumikilos ang Diyos at itinutuloy ang Kanyang mga plano para sa atin. Kung magpapatuloy tayo at susunod sa Diyos, ang Kanyang mga pangako ay tiyak na matutupad.


Magpatuloy tayong gumawa ng kabutihan sa kapwa at makikita natin na ang mga ito ay babalik sa atin bilang pagpapala sa tamang panahon. Patuloy din tayong makipagniig sa Diyos. Kilalanin Siya bilang isang mabuting Diyos na tumutupad sa Kanyang mga pangako. Magtiwala tayo sa Kanyang kakayahan at katalinuhan. Siya ang may hawak ng ating buhay. Sa lahat ng pagkakataon, ang Diyos ang ating gabay at sandigan, kaya't magpatuloy tayong magtiwala at sumunod sa Kanya.

Panalangin:


Aking Diyos Ama, pawiin ang anumang lungkot sa buhay ko. Ako’y bighyan ng pag-asa. Salamat sa mga tao na iyong ipinapadala para ako ay palakasin at pagpalain.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Job 14-15

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions