March 10, 2025 | Monday
UVCC Daily Devotion
Pagpapalang Lubos
Today's Verses: Genesis 22:15–17a (ASND)
Muling tinawag ng anghel ng Panginoon si Abraham mula sa langit. Sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Sumusumpa ako sa sarili ko na pagpapalain kita nang lubos dahil hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak…
Read Genesis 22
Ang tunay na katapatan sa Diyos ay nasusukat ba sa ating pagsunod sa Kanya?
Matapos subukin ng Diyos si Abraham sa pag-alay ng kanyang anak na si Isaac, ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pagpapala. Sa Genesis 22:15-17a, ang anghel ng Diyos ay nagsalita kay Abraham mula sa langit, pinuri ang kanyang pananampalataya at pagtatalaga. Bilang gantimpala, ipinangako ng Diyos ang pagpaparami ng kanyang lahi, na magiging kasing-dami ng mga bituin sa langit at buhangin sa dalampasigan. Ang pangako ay nagpapakita ng wagas na pagpapala at tagumpay para sa kanyang salinlahi.
Lahat tayo ay may naisin na pagpalain ng Diyos. Lahat tayo ay nangangailangan ng pagpapala mula sa Diyos—ang kasiguraduhan sa ating mga pangangailangan sa buhay. Ayon sa Biblia, mayroong mga pagpapala na ibinibigay ng Diyos dahil gusto Niya tayong pagpalain. Ngunit mayroon ding pagpapala na nakasalalay lamang sa ating pagsunod sa Kanya. Totoo sa buhay ng lahat ng tao na kahit anong uri ng moralidad o paniniwala mayroon tayo, patuloy ang pagpapadala ng Diyos ng biyaya. Tayo ay buhay at nakagagalaw. Sa pamamagitan ng ating pinagsamang pagsisikap at mga oportunidad, nagagawa natin ang ating mga layunin at natutupad ang ating mga pangarap. Pinararangalan man natin o hindi ang Diyos, sinasamba man natin Siya nang tama o mali, ang mga pangunahing aspeto ng buhay tulad ng mga nabanggit ay nariyan. Gayunpaman, may mga uri ng pagpapala, maging materyal man o hindi, na natatamo lamang dahil sa ating pagsunod sa Diyos. Sa madaling salita, iba ang uri ng buhay na may basbas ng Diyos dulot ng ating pagsunod. Higit pa rito, mapapansin na ang ating pag-angat sa pagsunod sa Diyos ay kaugnay din ng antas ng ating tiwala at relasyon sa Kanya.
Sumunod sa Diyos base sa antas iyong tiwala sa Kanya. Sumunod sa Panginoon ayon sa uri ng relasyon sa Kanya. Magbigay lugod sa Diyos ayon sa lalim ng iyong ugnayan sa Kanya. Pangarapin mo na mas masamba mo ang Diyos ng nararapat, mapaglingkuran mo Siya ng may sakripisyo, maipagyabang ang Panginoon sa pamamagitan ng iyong taos-pusong pagsunod.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, aking Panginoon. Ako ay nagnanais na mas makilala Ka, mas masamba Ka, mas mapaglingkuran Ka, at mas masunod Ka. Basbasan mo ang aking buhay.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang meron sa buhay ni Abraham na nagawa niyang lumago sa pagsunod sa Diyos?
Ano ang hadlang bakit may pagkakataon na hirao ka sa pagsunod sa Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions