March 13, 2025 | Thursday

UVCC Daily Devotion

Binalewala Kaya Nawala

Today's Verses: Genesis 25:32,34 (ASND)

32 Sinabi ni Esau, “Sige, ano bang gagawin ko sa karapatan na iyan kung mamamatay din lang ako sa gutom.” 34 Binigyan agad siya ni Jacob ng tinapay at sabaw. Pagkatapos niyang kumain at uminom, umalis siya agad. Dahil sa ginawang iyon ni Esau, binalewala niya ang karapatan niya bilang panganay.


Read Genesis 25

May nabalewala ka na ba na mahalaga pala sa iyong buhay?


Sa Genesis 25:32,34, ipinakita ang isang mahalagang pangyayari sa buhay ni Esau. Habang nagugutom si Esau, nag-alok si Jacob ng nilutong pagkain kapalit ng karapatan niyang panganay. Dahil sa matinding gutom at hindi naisip ang halaga ng kanyang pagiging panganay, pinili ni Esau na ibenta ito para lamang makakain. Nangyari ito sa isang simpleng kapalit, ngunit nagkaroon ito ng malalim na epekto sa kanilang hinaharap.


Ito ang masayang pangyayari: May mga kaloob sa atin ang Diyos na mahahalaga. Ngunit ito naman ang hindi masayang pangyayari: Sa anumang kadahilanan, maaaring hindi natin pinapahalagahan ang mga mahahalagang kaloob sa atin ang Diyos. Nakakapanghinayang isipin kalaunan na may binalewala tayong tao, pagkakataon, o bagay. Sa bandang huli, matapos nating mapagtanto ang mga nangyari, at mapag-isipan ang mga lumipas na pagkakataon, tsaka natin nararamdaman ang matinding kalungkutan at pagsisisi. Pero dahil nangyari na ang nangyari, kahit magtangkang bumawi, hindi na maibabalik ang nakaraan. Sayang. May paraan at pagkakataon pa ba para maisaayos ang buhay sa pamamagitan ng ilan pang mabuting pagkakataon? Ang sagot ay, “Oo.” Nariyan ang Diyos na tutulong sa atin para makabawi pa rin kahit papaano. Gayunpaman, kung ikaw ay nagsisimula pa lang sa buhay bilang kabataan o ‘young adult’, hindi mo kinakailangang mabigo pa para maiwasan ang sobrang kalungkutan at pagsisisi sa mga nagawang mali o mga lumampas na pagkakataon. Maraming matututunan sa mga pagkakamali ng mga tao sa ating paligid. Kailangan ng karunungan para mapansin ito, maaral ito, at maisapamuhay ang mas mainam na buhay dahil hindi mo binalewala kaya nawala.


Magbalik-tanaw at isipin ang mga dumaan na pagkakamali, pagkakataon, o mga tao sa iyong buhay. May mga mabuti o masamang pangyayari na hindi na kailangang lubos na pag-isipan dahil hindi ka makakagalaw at makakagawa ng maayos sa kasalukuyan. Mag-move on na. Mangarap sa tulong ng Diyos para sa iyong kinabukasan kasama ang iyong pamilya. Maging aktibong bahagi ng simbahan. Mag-invest ng iyong oras, talento, at yaman tungo sa iyong pag-mature spiritually at emotionally.

Panalangin:


Aking Diyos Ama, tulungan Mo akong mag-mature sa espiritual at maging sa emotional. Turuan Mo akong pahalagahan ang iyong kaloob na mga pagkakataon, mga pribilehiyo, at mga tao.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Job 18-19

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions