March 20, 2025 | Thursday
UVCC Daily Devotion
The Father’s Blessing
Today's Verses: Genesis 27:28–29 (ASND)
28Nawaʼy bigyan ka ng Dios ng lupaing masagana ang ani na palaging may hamog na biyaya niya, para maging sagana ang pagkain at katas ng inumin mo. 29Nawaʼy magpasakop at maglingkod sa iyo ang maraming tao. Nawaʼy maghari ka sa mga kamag-anak mo at magpasakop sila sa iyo. Nawaʼy ang sumusumpa sa iyo ay susumpain din, at ang magpapala sa iyo ay pagpapalain din.”
Read Genesis 27
May masidhing naisin ka ba na ikaw ay mabasbasan ng pagpapala ng iyong Ama?
Matapos ihain ni Esau ang pagkain kay Isaac, dumating si Jacob na nagkunwaring siya si Esau upang matanggap ang basbas ng ama. Pinili niyang dayain si Isaac dahil sa matinding pagnanais na makuha ang pagpapala, kahit na ito'y ginawa sa panlilinlang. Nang matuklasan ni Isaac ang katotohanan, nagkaroon ng kalituhan, ngunit nakuha ni Jacob ang basbas na para sana kay Esau, na nagpatibay ng kanyang posisyon sa pamilya.
Napakahalaga ang bawat salitang binibitiwan ng mga magulang sa kanilang mga anak. Positibo man o negatibo ang salita, may malalim na emosyon man o bahagya lang, tuwing magsasalita ang mga magulang, tiyak na may emosyonal at espiritwal na epekto ito sa mga anak. Halimbawa, napapansin mo ba na ang mga magulang na sinusumpa ang kanilang mga anak ay nagiging masalimuot at miserable ang buhay katagalan? Ngayon, kung ang sumpa ng mga magulang ay may epekto, tiyak na may epekto din ang basbas ng pagpapala. Sa Old Testament, pinahahalagahan ang basbas ng ama. Alam ito nina Abraham at Jacob. Bagamat may pandaraya, ipinapakita rito kung gaano kahalaga ang basbas ng ama at kung paanong ito’y pinahahalagahan ng mga anak—ito ay pinapagtibay at ipinag-aagawan. Hanggang sa panahon natin ngayon, ganoon pa rin ang kahalagahan ng basbas o ‘father’s blessing.’ Mahalaga na taimtim na naisin ng mga anak ang basbas ng kanilang ama. Gayundin, nararapat na ang mga Kristiyano, na kinikilala ang Diyos bilang Ama, ay magsikap ding tanggapin ang Kanyang basbas. Natanggap mo ba ngayong araw ang basbas ng Diyos Ama sa pamamagitan ni Jesus Christ?
Mag-ingat ka sa bawat salitang binibitiwan mo bilang magulang. May malalim na epekto ito sa buhay ng iyong mga anak. Tularan mo sina Abraham at Jacob na pinahahalagahan ang basbas ng ama. Bilang isang tagasunod ni Kristo-Hesus, huwag mong palampasin ang pagkakataon na tanggapin ang basbas ng Diyos Ama sa pamamagitan ni Jesus. Ipagdasal mong basbasan ka ng Diyos at tiyakin mong ikaw ay magiging pagpapala sa iba sa iyong mga salita at gawa.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, malalim kong naisin ang pagsasalita mo ng basbas sa aking buhay. Sa tamang paraan ay nais kong makamit ang iyong pagpapala. Turuan mo akong mauhay ayon sa iyong basbas.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang masasabi mo sa masidhing naisin ni Jacob na makuha ang basbas ng kanyang Ama kahit sa masamang paraan?
Bakit mahalaga pa rin ang pagsasalita ng basbas ng Diyos Ama at ng pisikal nating ama hanggang sa panahon ngayon?
Paano makamit ng tama ang basbas ng Diyos sa iyong buhay?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions