March 26, 2025 | Wednesday
UVCC Daily Devotion
Ang Marinig At Masunod Ang Instructions
Today's Verses: Genesis 31:3 (ASND)
Sinabi ng Panginoon kay Jacob, “Bumalik ka na sa lupain ng iyong mga ninuno, doon sa mga kamag-anak mo, at makakasama mo ako.”
Read Genesis 31
Nangungusap pa rin ba ang Diyos sa panahon natin ngayon?
Sa Genesis 31:3, ipinahayag ng Diyos kay Jacob na panahon na upang umalis siya sa Haran at bumalik sa kanyang lupang ipinangako. Matapos dalawampung taon ng pagsisilbi kay Laban, napagdesisyunan ni Jacob na umalis at magsimula ng bagong buhay. Iniutos ng Diyos na magtungo siya sa Canaan, ang lupaing ipinangako sa kanya at sa kanyang mga kaapu-apuhan. Kaya't nagplano siyang magtago at umalis nang lihim, upang makaiwas sa galit ni Laban.
Nakakalungkot malaman na isa sa mga kahinaan ng tao ay ang makinig sa ‘instructions’, unawain ito, at sundin ng naaayon. Bakit kaya? May dahilan ba kung bakit nahihirapan pakinggan ang instructions at basta na lang dumiskarte ayon sa karanasan o sariling pang-unawa? Sa pananaw ng isang abala at busy na tao, mahirap tanggapin na may direksyon na kailangang sundin. Ito ay dahil abala siya at nakafocus sa kanyang gustong gawin. Kaya madalas, kahit naririnig natin, hindi natin nauunawaan o pinapansin. Sa buhay natin, tulad ni Jacob, ang Diyos ay may plano at direksyon para sa atin. Ngunit ito ay mangyayari lamang kung tapat tayong makikinig at susunod. Hindi palaging madali, pero ang pagsunod ay nagdadala ng pagpapala mula sa Diyos. Kung susundin natin ang mga instructions ng Diyos, makikita natin ang kabutihan at layunin Niya sa ating buhay. Kung minsan hindi natin agad naiintindihan, ngunit sa paglipas ng panahon, masasanay din tayong makinig ng tama at sundin ang instructions ng Diyos. Kaya't ang hamon ay matutunan nating tanggapin ang mga instructions mula sa Diyos at sundin ito.
Maging matalas sa pagtanggap ng mga instructions mula sa Diyos. Bigyan ng sapat pansin ang iyong kalalagayan at aralin kung paano maging masunurin sa Panginoon. Anuman ang hamon, huwag itong balewalain o maliitin. Bagkus, gawin ng may tamang focus ang pagsunod, dahil naniniwala kang walang masamang layunin ang Diyos para sa iyo. Maging maaalalahanin sa iyong kapwa – lalo na sa magandang kinabukasan ng iyong pamilya.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, salamat sa iyong pagkalinga sa akin. Salamat sa iyong gabay. Nawa, ako ay maging focused sa pagsunod sa Iyo. Nawa ako ay magkaroon ng sapat na talino, karunungan, at lakas ng loob para Ikaw ay masunod, masamba, at maparangalan.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang ‘instructions’ ng Diyos kay Jacob? Ano ang hamon para ito ay masunod?
Bakit may tao na nakakarinig ng instructions ng Diyos pero hindi sumusunod?
Paano masimulan at tapat na maipagpatuloy ang pagsunod sa ‘instructions’ ng Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions