March 28, 2025 | Friday
UVCC Daily Devotion
Ang Talunin Ng Pananampalataya Ang Takot
Today's Verses: Genesis 32:9,11-12 (ASND)
9Nanalangin si Jacob, “Dios ng aking lolo na si Abraham at Dios ng aking ama na si Isaac, … 11Hinihiling ko po sa inyo na iligtas nʼyo ako sa kapatid kong si Esau. Natatakot po ako na baka pumunta siya rito at patayin kaming lahat pati na ang mga asawa koʼt mga anak nila. 12Pero nangako po kayo sa akin na pagpapalain nʼyo ako at pararamihin nʼyo ang aking mga lahi katulad ng buhangin sa tabing-dagat na hindi mabilang.”
Read Genesis 32
Mas madali bang magpatalo sa takot kesa talunin ng pananampalataya ang takot?
Takot na takot si Jacob sa posibleng galit ni Esau, na maaaring maghiganti sa mga ginawa niya noon. Dala ng matinding pangamba, nagdasal siya kay Diyos, humihingi ng tulong at proteksyon. Ngunit sa kabila ng kanyang takot, ipinakita niya ang pananampalataya sa Diyos, na nagbigay sa kanya ng mga pangako ng pagpapala at kaligtasan. Nagtiwala si Jacob na tutuparin ng Diyos ang Kanyang mga salita at bibigyan siya ng tagumpay laban sa panganib.
Maraming tao ang sanay matakot, at ang takot ay maraming dalang negatibong epekto sa buhay ng tao. Kapag hindi na-handle ng maayos, maaari magdulot ang takot ng iba pang mga problema. Halimbawa ay ang labis na pag-aalala na maaaring humantong sa anxiety attack. Ang taong natatakot ay hindi nakakapag-isip ng maayos, kaya't ang mga desisyon ay maaaring magkamali. Sa kabilang banda, kung tayo ay pinangungunahan ng pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos, mas madali nating nama-’manage’ ang takot at anumang negatibong emosyon. Ito ang malaking tulong ng panananalig dahil sa ating relasyon sa Diyos. Kaya isang mahalagang tanong na dapat nating itanong sa ating sarili ay kung may relasyon ba tayo sa Diyos. Hindi "religion" ang tinutukoy ko. Ang relihiyon ay nakabase sa mga alituntunin (huwag gawin ito, gawin ito). Ang relasyon sa Diyos ay tulad ng kay Jacob. Oo, may takot siya, pero may malakas siyang tiwala sa Diyos at sa mga pangako Niya. Kalaunan sa buhay ni Jacob, lumalim ang kanyang kaalaman sa Diyos, sa mga pangako ng Diyos, at kung paano talunin ang takot dahil sa presensya ng Diyos.
Alamin ang iyong mga takot. Maglaan ng panahon upang matukoy ito at maghanap ng lunas sa tulong ng Diyos. Huwag magbabad sa takot. Magkaroon ng pananalig sa Diyos. Alamin ang mga pangako ng Diyos na panlaban sa takot. Kabisaduhin sa iyong puso ang mga pangako at mga utos Niya. Gawin panalangin pabalik sa Diyos ang Kanyang Salita. Masdan ang pagbabago sa iyong pananaw habang ikaw ay lumalalim sa pananampalataya.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, alison Mo po anumang takot sa aking puso. Palaguin Mo ang aking pananalig sa Iyo. Parangalan mo ang iyong sarili sa aking buhay.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Kahit si Jacob ay ordinaryong tao katulad natin, ano ang kakaiba sa kanya bakit nagagawa niyan lampasan ng tagumpay ang kanyang mga problema’t pagsubok?
Paano lumago sa pananalig sa Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions