April 4, 2025 | Friday
UVCC Daily Devotion
April 4, 2025 | Friday
UVCC Daily Devotion
Today's Verses: Genesis 36:31 (ASND)
Ito ang mga hari ng Edom noong panahon na wala pang mga hari ang mga Israelita.
Read Genesis 36
Dapat bang mauna ang isang tao sa mga bagay-bagay para magbida?
Sa Genesis 36:31, binanggit na bago maghari ang mga Israelita, mayroon nang mga hari sa Edom. Ang talatang ito ay naglalarawan ng panahon ng pamamahala ng mga hari sa Edom bago pa dumating ang mga hari mula sa lahi ni Israel. Ipinapakita nito ang kasaysayan ng Edom (maging ng mga Amalekites) bilang isang makapangyarihang kaharian bago pa man pagkakaroon ng mga hari sa Israel. Andito ang konteksto sa pag-usbong ng iba't ibang kaharian doon.
Parang iba at angat ang pakiramdam kapag nauunahan natin ang ibang tao. May mga pagkakataon sa buhay na tayo naman ay nauunahan ng iba. Alin ka man dito, may itinuturo sa atin ang ating napiling talata: May mga mauuna talaga sa atin, pilit man tayong magsumikap. May mga mas magiging mahusay sa atin, pilit man tayong magsanay. May mga pagkakataon na parang nilalampasan tayo ng oportunidad dahil yun ang pakiramdam natin – nauunahan tayo ng iba. Tulad ng mga naunang nakabili ng pinakabagong cellphone, appliance, bahay, sasakyan, atbp. Ngunit hindi ibig sabihin na kung nauna sila, huli na tayo, o di kaya’y palpak na at wala na tayong pag-asa. Depende yan sa iyong pananaw. Kung ang pananaw mo ay palpak ka, malamang, papalpak ka nga. Ang pinakamahalagang pananaw ay kung ano ba ang plano ng Diyos para sa iyo. May basbas ka ba ng Diyos? O ikaw ba ay namumuhay ayon sa Kalooban ng Diyos? Kapag ikaw ay tapat na namumuhay sa kalooban ng Diyos, never kang huli. Nasa tamang pagkakataon at lugar ka kung ikaw ay sumasamba at sumusunod sa Diyos.
Maging masunurin sa Diyos. Magtiwala sa Kanyang timing. Iwasang ikumpara ang iyong sarili sa iba. Ang mga accomplishments o tagumpay ng ibang tao ay hindi matibay na batayan ng iyong buhay. Ang batayan ng iyong buhay ay ang kalooban ng Diyos. Iwasan ang inggit. Sa halip, maging panatag ang iyong kalooban at gawin ang nais ng Diyos sa iyong buhay. Aralin ang pagiging kontento upang maiwasan ang maiinggit at iba pang masamang gawain.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, turuan mo akong maging kontento sa buhay para maiwasan ang masamang gawain. Bagkus, turuan mo akong maging masunurin sa iyong plano sa aking buhay. Pagpalain mo ako ayon sa iyong kalooban.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Bakit kaya binanggit na nauna magkaroon ng pag-asenso at kaharian ang lahi ni Esau kumpara kay Jacob samantalang siya ang binasbasan ng Father’s blessing ng amang si Isaac? See Gen 27:40, Gen 36:12 ‘Amalek’ and compare with Num 14:39–45.
Paano pwedeng humadlang ang inggit sa tagumpay ng iba para masunod natin ang kalooban ng Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions