August 13, 2024 | Tuesday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Tagapayo Ang Salita Ng Diyos
Today's Verses: Psalm 119:24 (ASND)
Ang inyong mga turo, ay nagbibigay sa akin ng kagalakan, at nagsisilbing tagapayo.
Read Psalm 119:17–24
Pinakikinggan at sinusunod mo ba ang turo ng Diyos sa Biblia?
Sa Awit 119:17-24, inilalarawan ng manunulat ang kanyang taimtim na pagnanais sa Salita ng Diyos. Hinihiling niya ang pagkilos ng Diyos upang siya ay mabuhay at matapos ang Kanyang mga utos. Sa kabila ng pagiging estranghero sa mundo, siya ay nagmamakaawa ng gabay mula sa Diyos. Ang mga utos ng Diyos ay kanyang kagalakan at nagbibigay ng kaalaman sa kanyang mga hamon sa buhay.
Ang Salita ng Diyos ay nagbibigay kagalakan. Ang Salita ng Diyos ay pangunahing pinagmumulan ng ating kagalakan bilang mga lumalagong Kristiano — lalo kung tayo ay may pagnanais na makilala ang Diyos at ang Kanyang mga utos. Sa pagbasa at pagtanggap ng Kanyang mga turo, natututuhan natin ang mga prinsipyo Biblia. Mapapansin sa lumalagong Kristiano ang taos-pusong hangarin na tuklasin ang Kanyang mga Salita. Ang kagalakan sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos ay isang tanda ng puso na naghangad ng kabanalan at ng pagpapahalaga natin sa ating relasyon sa Diyos. Sa ganitong paraan, ang Salita ng Diyos ay nagiging kasangkapan sa pagbuo natin ng mas malalim na relasyon sa Diyos. Mas natutunan natin ang nilalaman ng puso ng Diyos sa mga usapin sa buhay. Ito ang pasimula ng pagkakaroon ng karunungan at ang pagdaloy ng makadiyos na payo sa ibang tayo. Nakakapagbigay-payo ka dahil ang Salita ang iyong tagapayo.
Maging sentro ang Salita ng Diyos ng ating pamumuhay bilang mga lumalagong Kristiano. Maglaan tayo ng oras araw-araw upang alamin ang Kanyang mga turo. Mas unawain natin ang puso at kalooban ng Diyos. Sundin sa Kanyang mga utos bilang tanda ng ating pagmamahal at pagpapahalaga sa ating relasyon sa Kanya. Magkakaroon tayo ng karunungan at kakayahang magbigay ng makadiyos na payo sa iba, na nagsisilbing tagapayo ang Salita ng Diyos sa ating buhay.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, salamat sa Iyong Salita na nagbibigay sa amin ng kagalakan sa aming mga buhay. Tulungan Mo kaming pagyamanin ang aming relasyon sa Iyo sa pamamagitan ng pagbasa, pag-aaral, at pagsunod sa Iyong mga turo. Nawa'y maunawaan at masunod namin Iyong Salita. Bigyan Mo kami ng karunungan upang makapagbigay din ng makadiyos na payo sa iba.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang pangunahing dahilan kung bakit nagbibigay ng kagalakan ang Salita ng Diyos sa mga lumalagong Kristiano?
Sa anong paraan nagiging kasangkapan ang Salita ng Diyos para sa pagbuo ng mas malalim na relasyon sa Kanya?
Paano natin matututuhan at mauunawaan ang mga utos ng Diyos sa pamamagitan ng Salita ng Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions