August 14, 2024 | Wednesday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Ituro Sa Akin Ang Mga Alituntunin Ng Diyos

Today's Verses: Psalm 119:33–35 (ASND)

33 Panginoon, ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin, at habang nabubuhay itoʼy aking susundin. 34 Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa sa inyong kautusan, at itoʼy buong puso kong susundin at iingatan. 35 Pangunahan nʼyo ako sa aking pagsunod sa inyong mga utos, dahil ito ang aking kasiyahan.


Read Psalm 119:25-40

Mahalaga ba sa iyo ang pag-unawa sa mga tuntunin ng Diyos upang ito ay masunod nang tapat?


Sa Psalm 119:33-35, ipinapakita ng manunulat ang taos-pusong hangarin na matutunan ang mga tuntunin ng Diyos.​ Hiniling niya ang pang-unawa upang masunod ang mga kautusan ng Diyos nang buong puso. Ipinapahayag din niya ang kanyang kagalakan sa pagsunod sa mga utos ng Diyos. Ang mga ito ay mahalaga sa kanyang buhay. Ang kanyang panalangin ay tumutukoy sa pangangailangan ng gabay ng Diyos sa kanyang espiritwal na paglalakbay.


Ang Diyos ay may alituntunin na nararapat nating matutunan at maunawaan. Hindi sapat ang matutunan lamang ang Salita ng Diyos. Kailangan natin na maunawaan din ito. Halimbawa, may isang tao na matagal nang nagbabasa ng Bibliya ngunit hindi siya nakakaranas ng kagalakan sa kanyang pananampalataya. Sa kanyang pagninilay, napagtanto niya ang kahalagahan ng pagmamahal sa kapwa. Nang siya ay nagdesisyong ipamuhay ang prinsipyong ito, siya ay nag-volunteer na maging isang small group leader para maturuan ng Salita ng Diyos ang kahit ilan lamang na mga tao.. ​Dito, natutunan niya na ang tunay na pagsunod sa mga utos ng Diyos ay nagdudulot ng ligaya at kapayapaan sa kanyang puso.​ Bilang resulta, ang kanyang relasyon sa Diyos at sa kanyang kapwa ay lumalim at nagbunga ng makabuluhang pagbabago sa kanyang buhay. Ganito ang nagaganap sa puso ng isang lumalagong Kristiyano na natututunang sumunod sa kalooban ng Diyos.


Pag-aralang sundin ang mga alituntunin ng Diyos. Unawain ang puso ng Diyos. Ang puso ng Diyos ay nakapaloob sa kanyang utos. Magbabasa ng Bibliya ng may kagalakan. Pagnilayan ang halaga ng pagmamahal at paglilingkod sa kapwa. Nagdudulot ng ligaya at pagbabago sa buhay ang pagsunod sa Diyos ng lumalagong Kristiyano.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, salamat sa Iyong mga alituntunin na nagbibigay ng buhay at kagalakan. ​Nawa'y tulungan Mo kaming maunawaan ang Iyong Salita nang may lalim at puso.​ Ipinagdarasal namin ang mas malalim na relasyon sa Iyo at sa aming kapwa sa pamamagitan ng pagsunod sa Iyong mga utos.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Joshua 21-22

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions