August 20, 2024 | Tuesday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Ang Disiplina Ng Diyos

Today's Verses:  Psalm 119:66–67 (ASND)

66 Bigyan nʼyo ako ng kaalaman at karunungan, dahil nagtitiwala ako sa inyong mga utos. 67 Nang akoʼy hindi nʼyo pa pinarurusahan, akoʼy lumayo sa inyo, ngunit ngayoʼy sinusunod ko na ang inyong mga salita.


Read Psalm 119:57–72

Madali bang tanggapin ang disiplina ng Diyos bilang paraan para sa pagbalik-loob at pagsunod sa Panginoon?


Sa Psalm 119:57–72, partikular sa verse 66-67, ay makikita ang pag-unlad ng pananampalataya ng manunulat sa pamamagitan ng pagdisiplina ng Diyos. Bago ang kanyang pagdurusa, siya ay lumihis. Ngunit sa kanyang pasakit, natutunan niyang pahalagahan ang mga utos ng Diyos. Ito ang nagdala sa manunulat ng tunay na pagbabago at pagbalik-loob sa Diyos.


Ang matutunan na sumunod sa Diyos ay maaaring “the easy way or the hard way”. Tayo bilang mga tao ay natural na matigas ang ulo. May sarili tayong naisin na gusto nating matupad sa sariling nating pamamaraan. May mga makasarili tayong mga plano sa buhay na hindi napaparangalan ang Diyos. Madalas tayo ay napapasamá dahil sa mga makasarili nating hangarin. Mainam sana kung ang naisin natin ay ang kalooban ng Diyos. Ngunit maging ang kalooban ng Diyos na gagawin natin sa sarili nating pamamaraan ay hindi rin nakalulugod sa Diyos. Ang kalooban ng Diyos ay nararapat na gawin ayon sa pamamaraan ng Diyos. Ito ang malaking hamon sa tao. Nakakatuwang isipin na may mga lumalagong Kristiyano natutunan na ang sumunod sa Diyos dahil sa pagdidisiplina ng Diyos. Sa kabila ng kanilang mga paghihirap at pagwawasto mula sa Diyos, natututo silang mapalapit sa Diyos at malaman ang tunay na plano ng Diyos para sa kanila. Dahil sa pagsunod sa mga utos ng Diyos, siguradong magkakaroon ng tunay na kapayapaan at kasiyahan sa ating buhay.


Isuko sa Diyos ang ating mga sariling pamamaraan. Ang pagsuko sa Diyos ng ating sariling plano at pagyakap sa pamamaraan ng Diyos ay kompletong pamumuhay. Kaya tayo ay magplano at magsagawa ng mga hakbang upang maisuko ang sariling kagustuhan at masunod ang mga alituntunin ng Diyos gaano man ito kahirap sa umpisa. Tayo ay matuto mula sa pagdidisiplina ng Diyos. Huwag magmalaki at magpalusot. Tanggapin ang pagwawasto ng Diyos bilang oportunidad para sa espiritwal na pag-unlad. Ang mga pagsubok ay nagtuturo sa atin na lumapit sa Diyos at kilalanin ang Kanyang plano. Dito ay may tunay na kapayapaan at kasiyahan.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, tulungan Mo kaming isuko ang aming sariling pamamaraan at yakapin ang Iyong kalooban. Bigyan Mo kami ng lakas at karunungan upang matutunan ang Iyong pagdidisiplina at sundin ang Iyong alituntunin. 

Sa pangalan ni Jesus, Amen.

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Judges 3-4

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions