August 22, 2024 | Thursday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Ang Pagmamahal Sa Mga Kautusan Ng Diyos
Today's Verses: Psalm 119:97–98 (ASND)
97 Iniibig ko ang inyong kautusan. Palagi ko itong pinagbubulay-bulayan. 98 Ang mga utos nʼyo ay nasa puso ko, kaya mas marunong ako kaysa sa aking mga kaaway.
Read Psalm 119:89-104
Nararamdaman mo ba ang espesyal na pagmamahal sa mga utos ng Diyos?
Sa Psalm 119:89-104, inilalarawan ng manunulat ang mga kautusan ng Diyos bilang walang hanggan at matatag na gabay. Ang pagsunod sa Kanya ay nagbibigay ng kaalaman at karunungan, nagpoprotekta laban sa kasamaan, at nagdadala ng tunay na kasiyahan at kapayapaan. Simple sa manunulat na mahalin ang mga utos ng Diyos.
Ang maramdaman ang malalim na pagmamahal sa mga kautusan ng Diyos ay may kasamang kakaibang damdamin na hindi matutumbasan. Ang pagsunod sa Kanyang mga utos ay maaaring mahirap, ngunit ang magkaroon ng tunay na pagmamahal at kagalakan mula sa mga kautusan ng Diyos ay isang pambihirang karanasan. Subukan mong isipin ito: kapag ang utos ng Diyos ay nagiging sentro ng iyong buhay, hindi mo lamang pinipilit ang iyong sarili na sundin ang mga ito; ang mga utos ay nagiging tuwa at kagalakan mo. Sa bawat araw na ikaw ay nag-aaral ng Kanyang mga salita, nakikita mong ang Diyos ang tunay mong guro at nagbibigay ito sa iyo ng kaalaman na higit pa sa ibang mga tao. Ang mga utos ng Diyos na puno ng tunay na karunungan ay nagbibigay sa iyo ng kalakasan at higit na katalinuhan. Sa ganitong paraan, ang mga utos ng Diyos ay hindi lamang nagiging bahagi ng iyong buhay — ito ang nagiging puso ng iyong kagalakan at tagumpay. Walang makakapantay sa kagalakan at kapayapaan na dulot ng mga utos ng Diyos!
Isapuso ang mga kautusan ng Diyos. Huwag lamang basahin ang mga utos ng Diyos, kundi pag-isipan at isapuso ang mga ito. Subukan mong i-apply ang mga prinsipyong natutunan mo sa iyong mga desisyon at aksyon sa araw-araw. Gamitin ang mga utos ng Diyos sa pagharap sa mga hamon ng buhay. Kapag ikaw ay nasa mga pagsubok o nahaharap sa mga problema, balikan mo ang mga turo ng Diyos. Gamitin ang Kanyang mga aral bilang gabay sa pagdedesisyon at pagresolba ng mga suliranin. Maging angat sa iba dahil sa pagmamahal mo sa mga kautusan ng Diyos
Panalangin:
Aking Diyos Ama at Panginoon, tulungan Mo akong mahalin ang Iyong mga kautusan. Sa aking mga desisyon at mga galawan, ang Iyong mga kautusan ang maging kagalakan ko at gabay ko.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ayon sa Psalm 119, ano ang tinutukoy na mga kautusan ng Diyos?
Paano mahalin ang mga kautusan ng Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions