December 6, 2023 | Wednesday
May Lubos Na Kapayapaan
Today's Verse: Isaiah 26:3 (MBBTag)
Binibigyan mo ng lubos na kapayapaan ang mga may matatag na paninindigan at sa iyo'y nagtitiwala.
Read: Isaiah 26
Kaloob galing sa Diyos ang Iyong lubos na kapayapaan dahil sa paninindigan sa kanyang katotohanan at pagtitiwala sa Kanyang Salita.
Ang Isaiah 26 ay may kakaibang hatid na isang "perfect peace" o lubos na kapayapaan. Ang Isaiah 26 ay awit ng paalaala at paghihikayat upang magtiwala sa Diyos ng may paninindigan. May dala rin itong mensahe para sa katapusang mga araw. Kahit parang babaeng manganganak sa tindi ng hirap na noo’y dinaranas ng Kanyang bayan, may pag asa pa rin at pagliligtas ni Yahweh. May dala itong pangako ng pagkakatalo ng kaaway dahil sa katagumpayan ng mga taong naninindigan at nagtitiwala sa Diyos.
"Perfect peace" ang sinisigaw ng karamihan maging taong makasanlibutan man o ng mga mananampalataya. Para sa mga taong makasanlibutan, nais lang nilang makaiwas sa mga kahirapan at pasakit ng buhay. Ito ay para tuloy pa rin ang kanilang kayabangan at kalayawan. Ngunit para sa mga lumalagong Kristiyano, ito ay isang regalo at gantimpala mula sa mapagmahal na Diyos. Para sa lumalagong Kristiyano, ay kasagutan dahil sa paninindigan at pagtitiwala nila sa Diyos. Kaya ang lubusang pagtitiwala ay galing sa "mapagbigay na Diyos". Hindi ito temporal na kapayapaan lamang. Bagkus, ito ay isang lubusang kapayapaan ng "Prince of peace" – ang ating Panginoong Hesus. Ang lubusang kapayapaan ay exclusive lamang sa may paninindigan at nagtitiwala sa Diyos.
Umpisahan natin “i-workout" ang ating puso at kaisipan sa pamamagitan ng Salita ng Diyos. Ang lubusang kapayapaan ay "supernatural" na binibigay ng Diyos sa atin kahit kabi-kabila ang ating pagsubok. Magtiwala tayo sa Kanyang mga Salita. Ang Salita ang siyang sagot sa lahat ng ating katanungan. Ang Salita din ang may dalang solusyon sa lahat ng ating mga problema. Asahan natin na ang Diyos ang ating kakampi na hindi tayo hahayaan na magapi ng ating kalaban. Manindigan tayo kung ano ang katotohanan ng Salita ng Diyos.
Panalangin:
Aming Ama, sa pangalan ng Panginoong Hesus, ako po ay nagtitiwala sa Iyo sa kabila ng aking mga pagsubok. Ako ay naninindigan sa Iyong salita at mga pangako. Punuin Niyo po ang aking puso at isipan ng iyong mga Salita. Puspusin Niyo po ako ng iyong banal na Espiritu. Tulungan Niyo po akong harapin ang mga hamon ng buhay.
Maraming salamat po. Sa pangalan ng Panginoong Hesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang kahalagahan ng "lubos na kapayapaan"?
Bakit may lubos na kapayapaan ang naninindigan at nagtitiwala sa Diyos?
Bakit exclusive lamang na pangako ng Diyos sa mga kristiyano ang "lubos na kapayapaan"?
Written by: Miguel Amihan, Jr
Read Previous Devotions