December 2, 2023 | Saturday
Katotohanang Nagpapalaya
Today's Verse: John 8:31-32 (FSV)
31 Kaya't sinabi ni Jesus sa mga Judio na nanampalataya sa kanya, “Kung mananatili kayo sa aking salita, kayo ay mga tunay kong alagad, 32 at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”
Read: John 8
May katotohanang nagpapalaya sa tao na tanging sa pamamagitan ni Jesus lamang malalaman.
Kay Jesus mismo nanggaling ang mga klase ng pananalita na nag-aanyaya na siya ay kilalanin. Isinalaysay ni Apostle John ang buhay at mga Salita ni Jesus sa pamamaraan na mas gugustuhin ng nagbabasa na kilalanin si Jesus. Ang mga Salita ni Jesus na nakatala sa John 8:31-32 ay pag-anyaya ni Jesus sa mga nananampalataya na Siya ay mas kilalanin. Ang paanyaya ni Jesus ay dahil meron pa Siyang kayang ialok pa sa mga nananampalataya na. Kung mananatili ang mga nananampalataya na sa Salita ni Jesus, ang kaya pang ialok ni Jesus sa kanila ay ang katotohanang nagpapalaya.
Ang katotohanang pagpapalaya ni Jesus ay para lamang sa mga nananatili sa Salita ng Diyos. Walang katotohanang nagpapalaya para sa mga hindi nananampalataya at hindi nananatili sa Salita ng Diyos. Mailap ang katotohanang nagpapalaya sa hindi nananalig at tumatalima sa Salita ni Jesus. Ngunit ang katotohanang nagpapalaya nahahayag sa mga lumalapit kay Jesus. Sila yung tipo ng mga tao na uhaw sa Salita ng Diyos. Ang katotohanang nagpapalaya ay para sa mga tao na hindi kontento sa basta lang na pagkakilala o mababaw na klase ng pagsunod sa Diyos. Ang mga klase ng mga tao na ito ay ang mga lumalagong Kristiyano.
Kilalanin si Jesus. Mananalig at tumalima sa Salita Niya. Sa gayon mas makikilala mo si Jesus sa pamamagitan ng iyong isip, maging ng iyong puso, at lalo na sa iyong araw-araw na pamumuhay. Sundin mo ang Salita ng Diyos gaano man ito ka-challenging. Diyan nagkakaalaman kung mababaw lamang o malalalim na ang iyong pagsunod. Kung maraming dahilan tuwing may utos ang Diyos, nagpapakita ito ng kababawan sa panananapalataya at pagsunod sa Diyos. Kaya paglabanan ang mga alibi tulad ng "busy ako". Tandaan maraming dahilan na pwedeng sabihin kaya hindi ka nakakasunod. Italaga na ngayon ang buhay tungo sa pagiging lumalagong Kristiyano.
Panalangin:
Diyos Ama, nananalig ako sa Iyong Anak na si Jesus. Tumatalima ako ngayon ng may pagpapakumbaba at pagsunod. Nais ko na manatili sa Iyong Salita ng may pagsunod. Gusto kong maranasan ang buhay na sa Iyo’y masunurin. Nais ko na mahalata sa aking buhay ang pagsunod sa Iyo. Nais ko na maranasan ang katotohanang nagpapalaya mula kay Jesus.
Salamat. Sa pangalan ng Iyong Anak, Amen.
Pagninilay:
Ano ang sinasabi ni Jesus ang katotohanang nagpapalaya?
Para kanino ang katotohanang nagpapalaya ni Jesus ?
Papaano makakamtan ang katotohanang nagpapalaya ni Jesus?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions