November 29, 2023 | Wednesday
Ang Katagumpayan Ng Diyos
Today's Verse: Psalm 20:4-5 (RTPV05)
Nawa'y ipagkaloob niya ang iyong hangarin, at sa iyong mga plano, ika'y pagtagumpayin. Sa pagtatagumpay mo kami ay magbubunyi, magpupuri sa Diyos sa aming pagdiriwang. Ibigay nawa ni Yahweh ang lahat mong kahilingan.
Read: Psalm 20
Ang katagumpayan ay nangyayari sa loob pa lamang ng Presensya ng Diyos. Gumagawa ang Diyos sa mga sitwasyon upang magtagumpay ka.
Ang Psalm 20 ay isinulat ni David. Ito’y inawit ng punong musikero na si Asaph na itinalaga ni haring David noon panahon ng mga Cronicas. Kaiba ang talata na ito dahil isa itong natatanging "Royal Psalm". Ang isang Hari na kagaya ni David ay papasok muna sa tabernakulo upang manalangin ng katagumpayan bago pumunta sa digmaan. Sa loob pa lamang ng tabernakulo ay inaasam na nila ang katagumpayan. Ang mga Levitang Pari ay dumadalangin din para sa lahat ng mga laban na maaaring kaharapin ng hari upang magtagumpay.
Related kay Christ ang Psalm 20. Siya ang Hari na nakapasok na ng tabernakulo ng langit at nakipaglaban na dito at nagtagumpay Siya. Sinasabi ng talata na "Sa pagtatagumpay mo kami ay magbubunyi, magpupuri sa Diyos sa aming pagdiriwang". Ibig sabihin tinatamasa na natin ngayon bilang lumalagong Kristiano ang anumang katagumpayan ni Kristo. Anumang digmaan meron tayo sa ngayon, ito ay isa na lamang na pagsubok na konektado sa mga gantimpalang nakalaan sa magtatagumpay. Ang bawat tagumpay ay pag-iipon ng mga puntos upang pagdating ng panahon sa pagbabalik ni Kristo ay may kaakibat na gantimpala.
Kaya huwag kang mapanghinaan ng loob. Magdiwang ka dahil si Kristo ay nagtagumpay na! Harapin mo ang mga pagsubok na may kakaibang pananaw. Kasama mo ang Diyos at may kaiba Siyang galawan upang sa iyong katagumpayan ay maluwalhati Siya. Gawin mo lang ang part mo bago pa man tumayo sa higaan. Bago pa man gawin ang anumang bagay, unahin mo nang manahan sa Presensya Niya.
Panalangin:
Nagpapasalamat ako sa Iyo o Diyos sa lahat ng kabutihan mo. Salamat sa kaunawaan bigay mo bakit may pagsubok ako sa buhay. Salamat dahil dinadala Niyo ako sa inyong naisin. Ibinibigay Niyo po sa akin ang katagumpayan sa bawat pagsubok at hamon ng aking buhay. Patuloy Niyo po akong gamitin alang-alang sa Iyong kaluwalhatian. Sa Iyo po ang lahat ng parangal at papuri.
Sa pangalan ng Panginoong Hesus, Amen.
Pagninilay:
Bakit mahalaga sa isang buhay Kristiano ang unahin muna ang Diyos bago ang anumang bagay?
Kakiba talaga ang Psalm 20 sa galawan ng Diyos. Ano ang ipinapahiwatig nito sayo?
Papaano mo magagawang unahin ang Diyos sa iyong buhay?
Written by: Miguel Amihan, Jr
Read Previous Devotions