November 24, 2023 | Friday
Ang Pribilehiyo Ng Pagkakapili
Today's verse: Juan 15:16
Hindi ninyo ako pinili, kayo ang pinili ko. Pinili ko kayo upang kayo'y magbunga at manatili ang inyong bunga upang ang anumang hingin ninyo sa Ama, sa aking pangalan, ay ibibigay sa inyo.
Read: John 15
Ang ang Diyos pumili sa atin. Inaasahan Niya mula sa atin ang isang buhay na mabunga at nananatili sa Kanyang Salita.
Ang John chapters 15-16 ay naglalaman ng mga detalye ng pag-uusap ng Panginoong Hesus at ng kanyang mga alagad. Ang nilalaman ay ang mensahe bago pa niya lisanin ang sanlibutan upang bumalik sa Ama. Dito binigyang diin ni Jesus ang mga salitang pinili, mananatili, magbubunga, kaibigan, kagalakan at pag ibig. Kapansin-pansin ang mga salitang mananatili at magbubunga na ilang beses niyang sinabi at inuulit-ulit. Para kay Jesus, ang pagiging mabunga at pananatili ay mga resulta ng kanyang pagpili sa kanila. Ito rin ay isang kundisyon upang ang kasagutan ng panalangin ay makamit.
Mahalaga sa buhay Kristiyano ang kaunawaan ng pagpili ni Jesus. Ang "high calling" ay pagpili mula sa Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. Ito ay isang pribelihiyo na may kaakibat na responsibilidad. Hindi tayo pinili ni Jesus upang maging palamuti lang sa church o maging relihiyoso. Pinili tayo ng Diyos na may expectation na magbunga at mananatili ang mga bunga. Ibig sabihin ang buhay Kristiyano ay may gagawin na pagpalago, pagpapalalim, pagsisikap, at disiplina. Expected na ito ng Diyos na Siyang ating "Source". Sa ganitong kalalagayan ng pagiging mabunga, natural na lamang ang pagdating ng mga pagpapala at kasagutan sa mga panalangin.
Pahalagahan natin bilang kristiyano ang pribilehiyo ng pagkapili sa atin ni Hesus. Maging intensional tayo sa pagpalago ng ating buhay pananampalataya. Sikapin natin na magkaroon ng mga kasanayan para sa ating spiritual life. Hingin natin sa Diyos ang kalakasan upang magawa natin ang kalooban niya at pagtuunan natin ang ating personal na relasyon sa Diyos. Manatili ang disiplina at pagsisikap na lumalim at lumago sa buhay kristiyano.
Panalangin:
Aking Ama, sa Pangalan ng Panginoong Hesus, ay nagpapasalamat sa iyo sa pribilehiyo ng iyong pagkapili sa akin bago pa lalangin ang sanlibutan. Hindi po madali ngunit nandiyan po kayo upang tulungan ako na magampanan ang buhay na iyong nais. Isang challenge po ang paglago at pagpalalim ng aking personal na relasyon sa Iyo. Sa Iyong tulong, nawa as expected ay magbunga at mananatili ako hanggang sa pagbabalik Niyo. Maraming salamat. Sa Iyo ang kapurihan at karangalan, sa pangalan ni Hesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang mensahe sa iyo ng Juan 15:16?
Bakit kailangan maging intensiyonal ang buhay kristiano?
Ang pagpili ng Diyos ay isang pribelihiyo. Ano ang expectations Niya sa atin?
Written by: Miguel E. Amihan, Jr
Read Previous Devotions