November 22, 2023 | Wednesday
Ang Kapayapaan Na Laan Ni Jesus
Today's verse: John 14:27 (MBBTag)
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag mabagabag ang inyong kalooban at huwag kayong matakot.
Read: John 14
Si Jesus lamang ang kayang magbigay ng tunay na kapayapaan na hindi kayang tapatan ng anuman sa mundo.
Dumating noon sa pagkakataon si Jesus na kailangan Niya nang iwanan ang kanyang mga disciples. Napalapit na ang mga ito sa Kanya. Nararamdaman noon ng mga disciples ang kakaibang mga emosyon. Ramdam din ito ni Jesus mula sa mga disipulo. Kaya pinangakuan ni Jesus ang disciples ng kapayapaan Niya kapalit ng anumang takot at bagabag na kanilang nararamdaman.
May tunay na kapayapaan na laan ang Diyos para sa mga Kristiyano. Ang kapayapaan na ito ay lumalaban sa anumang takot at bagabag. Hindi ito kayang gayahin ng sanlibutan. Anumang bagay sa mundo ay hindi kayang tapatan ang kapayapaan na si Jesus lamang ang kayang magkaloob. Minsan pilit mang ramdamin ng mga tao ang kapayapaan mula sa kayamanan, karangyaan, kapangyarihan, o kalayawan, hindi pa rin kaya ng mga ito na sapawan ang kapayapaan na bigay sa atin na mga anak ng Diyos. Dahil kay Kristo, ang bawat lumalagong Kristiyano ay may panlaban sa lahat ng negatibong pakiramdam o emosyon.
May alok na kapayapaan si Jesus sa bawat tao – lalo na sa mga tunay mananampalataya. Unawain mo ang kapayapaan ni Jesus. Tanggapin mo ito. Ingatan mo ito pag ito’y nasa sa iyo na. Huwag kang padaya sa huwad na kapayapaan ng mundo. Suriin ang iyong nararamdaman. Kilalanin kung ang kapayapaan mong nararanasan ay ang tunay na kapayapaan mula sa Diyos o ang huwad na kapayapaan na madayang inaalok ng sistema ng mundo. Maging mapanuri. Ang kapayapaan ni Jesus sa puso mo ay kayang paglabanan ang anumang takot o bagabag.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, naniniwala po ako na si Jesus ang may hawak ng tunay na kapayapaan. Siya ang Prinsipe ng kapayapaan. Pinapayagan ko si Jesus na siyasatin ang puso ko sa anumang pandaraya ng kalaban. Ako po ay gabayan Niyo laban sa huwad na kapayapaan na alok ng mundo. Ikaw pumayapa sa anumang kaguluhan sa aking puso.
In Jesus’ Name, Amen.
Pagninilay:
Ano ang kaibahan ng kapayapaan mula sa Diyos kumpara sa kapayapaan na bigay ng sanlibutan?
Bakit napakahalaga na ang aking takot at bagabag ay mapawi ng kapayapaan ng DIyos?
Papaano ko mauunawaan at maipapamahagi ang kapayapaan na pinagkakaloob sa akin ng Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions