November 16, 2023 | Thursday

Ang Mahalaga At Dakilang Mga Pangako Ng Diyos

Today's verse:  2 Peter 1:4 (FSV)

4 Sa pamamagitan ng mga ito'y ibinigay niya sa atin ang kanyang mga mahahalaga at dakilang pangako upang kayo'y maging kabahagi sa kanyang kalikasan bilang Diyos, yamang nakaiwas na kayo sa kabulukang nasa sanlibutan dahil sa masamang pagnanasa.


Read: 2 Peter 1

Mahalaga at dakila ang mga pangako ng Diyos dahil may layunin itong nakapaloob.


Nagturo si Apostle Pedro sa mga sinaunang mananampalataya ng mga mahalaga at dakilang mga pangako ng Diyos. May layunin ang mga pangako na ito. Hindi basta-basta ang mga pangako ng Diyos. Alam ni Pedro na katangi-tangi ang kanyang mga kapwa Kristiyano at alam din niya na sila ay nasa sanlibutan pa rin. Kaya may hamon na mamuhay ng hindi umaayon sa makasalanang sanlibutan. 


Hanggang sa ating panahon ngayon, ang mga mahalaga at dakilang mga pangako na mula sa Diyos ay may kinalaman sa dalawang importanteng bahagi ng buhay Kristiyano: Ang ibinigay sa Kristiyano na ‘kalikasan at kabanalan’. Nakamatyag ang Diyos sa ating pakikibahagi sa kalikasang gawad Niya. Kanya ring tinitingnan ang ating patuloy na pag-iwas sa anumang nakakarumi sa atin gawa ng “kabulukang nasa sanlibutan dahil sa masamang pagnanasa”. Mahalaga sa Diyos ang ating kabanalan na bunga ng ating kalikasan dala ng ating pakikipag-isa kay Jesu-Kristo. May hamon na isapamuhay ang pagkakakilanlan o ‘identity’ ng Kristiyano. Ang isang tunay na Kristiyano ay hindi nangangarap na maging banal. Kundi siya ay namumuhay ayon sa natanggap niyang kabanalan at kalikasan. Magkaiba ang pamumuhay dahil pinabanal na ng Diyos kumpara sa umiiwas sa kasalanan at gumagawa ng mabuti para maging banal. Kayang talunin ang masasamang pagnanasa gawa ng ating bagong kalikasan mula sa Diyos. Bilang karagdagan, napapalakas ang kaloob ng Kristiyano dahil sa mga natanggap na mga mahalaga at dakilang pangako ng Diyos!


Tanggapin sa iyong kalooban sa pamamagitan ng pananampalataya ang mga mahalaga at dakilang mga pangako ng Diyos. Isapamuhay ang kalooban ng Diyos sa na pinalalakas ng mga pangako ng Diyos. Bigyan panahon ang Biblia. Hayaang mangusap ang Holy Spirit sa iyo. Sadyain na mamuhay ng banal hindi dahil gusto mong maging banal. Kundi dahil ikaw ay pinabanal na ng Diyos dahil kay Kristo. Basahin ang buong 2 Peter chapter 1 at malalaman mo ang mga pamamaraan ng pamumuhay Kristiyano ayon sa mga pangako ng Diyos.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, salamat ako’y pinabanal Mo dahil sa aking pakikipag-isa kay Jesus. Salamat sa mga mahalaga at dakila Mong mga pangako. Nawa, mapalakas Mo ako araw-araw upang ako ay mamuhay ng ayon sa layunin ng Iyong mga pangako.

In Jesus’ Name, Amen. 

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Romans 13-15

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions