November 15, 2023 | Wednesday

Ang Ipagdiwang Ang Diyos

Today's verse: Psalm 100:4 (MBBTag)

Pumasok sa kanyang templo na ang puso'y nagdiriwang, umaawit, nagpupuri sa loob ng dakong banal; purihin ang ngalan niya at siya'y pasalamatan!


Read: Psalm 100

Ipagdiwang kung sino ang Diyos. Anuman ang iyong kalalagayan ay maraming dahilan at maraming paraan para ipagdiwang ang Diyos.


Ang Psalm 100 ay tinatawag ang pansin ng mga bansa para ipagdiwang ang Diyos. Ang pagtawag ng pansin na ito ay panawagang may mga kalakip na mga pamamaraan at mga kadahilanan upang ipagdiwang ang Diyos. Ang kadahilanan para ang ipagdiwang ang Diyos ay dahil Siya ay Diyos. Siya ang Diyos na kumakalinga sa Israel na Kanyang bayan at Kanyang kawan. Ang pamamaraan para ipagdiwang ang Diyos ay sa pamamagitan ng paglapit sa Kanya ng may makalangit na awitin, pasasalamat, at paglilingkod. 


Ang ipagdiwang ang Diyos ay nararapat na gawi natin bilang mga Kristiyano. Lahat ng tao na naniniwala at tagasunod ni Kristo ay masigasig na hinihikayat na ipagdiwang ang Diyos. Ipagdiwang pa rin ang Diyos tayo man ay may problema, dumadaan sa kahirapan, o dumaranas ng pag-uusig dahil sa ating pananampalataya. Kung kailangan mo ng dahilan kung bakit mo dapat ipagdiwang ang Diyos, andyan ang Psalm 100 para ikaw ay kumbinsihin at turuan. Kung nagtatanong ka naman kung paano ipagdiwang ang Diyos, ang Psalm 100 ay bibigyan din tayo ng mga kaparaanan kung ano ang mga pwedeng gawin. Napakaraming dahilan at paraan upang magawa ng mga tagasunod ni Jesus ang ipagdiwang ang Diyos!


Simulan na ipagdiwang ang Diyos. Aralin ang Psalm 100. Naglalaman ito ng mga dahilan at mga paraan upang ipagdiwang ang Diyos. Gawin ito faithfully araw-araw at mapapansin mo na ang iyong mga alalahanin sa buhay ay unti-unting natatalo ng presensiya ng Diyos. Mapapansin mo rin ang iyong sarili na mas napapalapit sa Diyos kesa sa iyong problema at dalahain. Higit sa lahat, sa araw-araw na pakikipagniig mo sa Diyos ay mas nailalahad ng Diyos sa iyo ang Kanyang puso. Ito ang breakthrough na kailangan mo patungo sa iyong miracles.

Panalangin:

Diyos ng himala, ikaw ay dakila at makapangyarihan sa lahat. Ikaw ang Diyos na puno ng pag-ibig at pagkalinga. Una kang nagmahal sa akin. Ako ngayon ay tumutugon sa iyong pagmamahal. Purihin ka sa aking mga awitin. Sa aking paglilingkod, ikaw ay madakila. Salamat sa mga kadahilanan at mga kaparaanan para ikaw ay ipagdiwang sa araw-araw ng aking buhay.

Sambahin Ka, O Diyos. In Jesus’ Name, Amen.

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Romans 10-12

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions