November 10, 2023 | Friday
May Mga Kundisyon Ang Muling Pagbangon
Today's verse: 2 Chronicles 7:14 (ABTAG2001)
Kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at dumalangin, at hanapin ang aking mukha, at talikuran ang kanilang masamang mga lakad; akin ngang didinggin sa langit, at ipatatawad ko ang kanilang kasalanan, at pagagalingin ko ang kanilang lupain.
Read: 2 Chronicles 7
Ang muling pagbangon o "revival" ay nag-uumpisa sa puso ng mananampalataya. Ito’y ipagkakaloob ng Makapangyarihan dahil sa pangako Niyang binitiwan.
Muling kinausap ni Yahweh si Solomon pagkatapos magdiwang ng buong Israel ng Pista ng mga Tolda. Sinabi niya kay Solomon na nadinig Niya ang kanilang mga panalangin. Kung ang gagawin ng Israel ay magpakumbaba, manalangin, hanapin Siya, at tumalikod sa mga kasalanan, nangako si Yahweh na diringgin ang kanilang mga panalangin, patatawarin sila sa kanilang mga kasalanan, at ibabalik sa kanila ni Yahweh ang kasaganaan at ang kagalingan.
Nanawagan ang Diyos sa mga Kristiyano na gumising sa pagkakatulog at pagiging kampante. Naisin ng Diyos na malasap natin ang "revival". Ang panawagan ay para sa kabuuan ng mga mananampalataya dahil ang utos na ito ay pwedeng para din sa atin. Ang ‘revival’ ay may mga kondisyon mula sa Diyos: ang magpakumbaba, manalangin, hanapin ang kanyang kalooban at tumalikod sa anumang kasalanan. Ito ay mga panawagan ng pag-re-allign ng ating relasyon sa Diyos sa kabila ng hindi mauunawaan na kung ano ang purpose ng ating buhay, sa kabila ng panlalamig at pananamlay sa paglilingkod, maging sa kasalanang kinasanayan. Nais ng Diyos na maranasan natin ang mga panalangin sinagot Niya, kapatawaran Niya, at kagalingan Niya. Ang mga ito ay salik ng “revival”.
Maging matapat tayo sa paglilingkod sa Diyos upang maging daluyan tayo ng revival. Nag-uumpisa ito sa personal na pakikipag-relasyon sa Diyos. Maging priority natin ang panalangin at pagpapakumbaba sa Diyos. Hanapin kung ano ang Kanyang kalooban. Mamuhay nang may takot sa Diyos. Iwaksi ang anumang kasalanan. Magtiwala tayo sa Diyos at sa kanyang mga pangako. Ihanda ang ating sarili sa revival.
Panalangin:
Oh Diyos, ako po ay lumalapit at buong pusong nagpapakumbaba sa Iyo. Ako’y humihingi ng patawad sa anumang kasalanan ko. Tulungan Mo po akong matagpuan ang Iyong kalooban at mamuhay sa Iyong kabanalan. Nais ko pong maranasan ang iyong mga kasagutan, kapatawaran at kagalingan. Muli Niyo po akong ibangon sa anumang pagkadapa o paglayo sa Iyo.
Sa pangalan ng Panginoong Hesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang mga interesting mula sa ating pagbasa ng 2 Chronicles 7:14?
Ano ang kaugnayan ng 2 Chronicles 7:14 sa ating buhay ngayon bilang mananampalataya?
Bakit mahalaga sa mga mananampalataya ang kapatawaran, kasaganaan, at kagalingan ng Diyos ayon sa 2 Chronicles 7:14?
Written by: Miguel Amihan, Jr
Read Previous Devotions