November 6, 2023 | Monday
Lahat Ay May Kanya-Kanyang Panahon At Oras
Today's verse: Ecclesiastes 3:1-2 (MBBTag)
1Ang lahat sa mundong ito ay may kanya-kanyang panahon, may kanya-kanyang oras. 2Ang panahon ng pagsilang at panahon ng pagkamatay; ang panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbunot ng tanim.
Read: Ecclesiastes 3
Ang kahalagahan ng pag-unawa sa pana-panahon at oras ay pangunahin para mas ma-enjoy natin ang buhay Kristiyano.
Si Haring Solomon na manunulat ng Ecclesiastes ay nagturo kung papaano tingnan ng may tamang pang-unawa ang mga bagay-bagay sa buhay. Ilan doon ang ang tamang pananaw sa panahon at oras. Naunawaan ni Solomon na iba't-ibang pangyayari sa buhay ay may kanya-kanyang panahon at kanya-kanyang oras. Walang permanente sa buhay. Ito man ay pagsilang o pagkamatay, pagtanim at pagbunot, paggiba o pagtatayo, pagtahimik at pagsasalita, Lahat at may pana-panahon at may oras. Lahat ay nagbabago ayon sa kanya-kanyang panahon at kanya-kanyang oras.
Mahalaga na ang isang lumalagong kristiyano ay may tamang pananaw sa panahon at oras. Anumang karanasan natin sa buhay ay may hangganan. Ang pagiging malungkot ay may hangganan. Maging ang pagiging masaya ay may hangganan. Ang pagiging bigo at pagiging tagumpay ay may hangganan. Ang pangangarap ay may hangganan para mabigyan daan ang pagsasagawa. Hindi palaging nangangarap lamang. Hindi rin puro gawa lamang. Isama pa natin ang mga kabiguan at mga katagumpayan. Lahat ay may hangganan. Lahat ay may pana-panahon at oras.
Pansinin ang paglipas ng oras at panahon. Tubusin sa kawalan ang mga oras at panahon upang hindi masayang. Huwag manghinayang sa lumipas nang pagkakataon. Walang sense ito at hindi nakakatulong. Bagkus, gamitin ng maayos ang kasalukuyan at paghandaan ng sapat ang hinaharap. Alinman, gawin ang mga ito ng may pagpaparangal sa Diyos na sa atin ay lumikha. Siya ang mas nakakaalam ng ating panahon at oras. May mabuti na Siyang plano para ating magandang kinabukasan. Kaya, ‘take time’ na pagbulayan ng may kamalayan sa Diyos ang mahahalagang detalye ng ating buhay. Magkaroon lagi ng pag-asa.
Panalangin:
Diyos Ama, Ikaw ay mabuti. Alam Mo ang best para sa akin maging sa kinabukasan ko at ng aking pamilya. Inaalala ko ngayon ang mabuting plano Mo sa aking buhay. Bigyan Mo ako ng tamang pananaw, tamang pag-uugali, at mga tamang gawain.
Ikaw ang masunod at maparangalan sa aking buhay. In Jesus’ Name, Amen.
Pagninilay:
Ano ang kaibahan ng panahon sa oras?
Bakit mahalaga na may tamang pananaw, tamang pag-uugali, at mga tamang gawain para mas ma-enjoy natin ang regalong buhay ng Diyos?
Papaano natin maipagpapatuloy ang buhay Kristiyano na parehong mabunga at may pagpaparangal sa Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions