November 3, 2023 | Friday
Ang Sumampalataya Dahil May Tiwala
Today's verse: Genesis 15:5-6 (MBBTag)
5 Dinala siya ni Yahweh sa labas at sinabi sa kanya, “Tumingin ka sa langit at masdan mo ang mga bituin! Mabibilang mo ba iyan? Ganyan karami ang magiging lahi mo.” 6 Si Abram ay sumampalataya kay Yahweh, at dahil dito, siya'y itinuring ni Yahweh bilang isang taong matuwid.
Read: Genesis 15
Ang pagsampalataya sa Diyos ay palagiang may kasabay na pagtititiwala. Hindi pwedeng naniniwala pero hindi nagtitiwala.
Ang Genesis 15:5-6 ay bahagi ng usapan ng Diyos at ni Abram. Ayon sa Genesis 12, nauna nang nangako si Lord kay Abram na siguradong pagpapalain Niya ito. Sa Genesis 15, inulit ang pangako ng may diin. Bagamat may tanong si Abram tungkol sa kanyang tagapagmana na hindi niya anak, sinigurado ng Diyos na magkakaroon ng sariling anak si Abram. Sumampalataya si Abram sa Diyos dahil sa Kanyang sinabi.
Ang pagsampalataya natin sa Diyos ay ang pagtitiwala natin sa Kanya ayon sa Kanyang sinabi. Ang salita ng Diyos ay ating sasandalan. Dito nasusukat at nasusubok kung talagang tayo ay may pananampalataya sa Diyos. Ang Diyos ay tapat at ang salita niya ay may katapapatan. Nakikinig ang Diyos sa mga katanungan sa puso natin. Alam Niya kung papaano tutugon sa ating mga “honest questions”. Kinakalinga Niya tayo. Ganyan kahusay ang Diyos!
Manampalataya sa Diyos ng may pagtitiwala. Maging pamilyar sa tinig ng Diyos. Makining ng mabuti. Anuman ang iba’t-ibang tinig sa paligid na pilit na ginagaya ang tinig ng Diyos, kung makikinig ka ng mabuti, magagawa mo pa rin na makinig at tumalima ng may pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos. Sabihin mo sa Diyos ang iyong mga katanungan. Hindi niya ito babalewalain. Bagkus, magbibigay Siya sa iyo ng pag-asa para makapagpatuloy ka ng may sigla at galak. Sumampalataya. Magtiwala. May maganda pa rin pangarap para sa iyo ang Diyos.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, ako ay nakikinig sa Iyo. Sagutin Mo po ako ng Iyong salita na puno ng pag-asa. Ako ay nagtitiwala sa Iyo. Panghahahawakan ko ang iyong mga pangako. Salamat sa Iyong Espiritu Santo na gumagabay sa akin.
Ikaw ang aking patnubay. In Jesus’ Name, Amen.
Pagninilay:
Ano ang pangako ng Diyos kay Abram?
Ano naging tugon ni Abram sa mga salita ng Diyos sa kanya?
Papaano mo magagawa na sumapalataya pa rin sa Diyos kahit may mga katanungan ka sa buhay?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions