November 1, 2023 | Wednesday
Ang Pagpapahalaga Sa Utos Ng Diyos
Today's verse: Psalm 119:127-128 (ASND)
127 Pinahahalagahan ko ang inyong mga utos, nang higit pa kaysa sa ginto o pinakadalisay na ginto. 128 Sinusunod ko ang lahat nʼyong mga tuntunin, kaya kinamumuhian ko ang lahat ng masamang gawain.
Read: Psalm 119
May tamang tugon sa mga utos ng Diyos na dapat madiskubre ng mga tao para ito ay mabigyang halaga.
Muli, si Haring David ay nagbabahagi ng kanyang puso kung papaano niya pinahahalagahan ang mga utos ng Diyos. Kaalinsabay nito ay ang kanyang pagsunod sa mga alituntunin ng Diyos. Mapapansin na si David ay nagpapahayag ng mahalagang bahagi ng utos ng Diyos sa kanyang buhay. Ipinahayag niya ito ng buong tapat sa pagsulat niya ng halos 200 verses ng Psalm 119.
May dapat tayong pansinin sa intensyon bakit nagbibigay ng utos ang Diyos. Bilang mga Kristiyano sa makabagong panahon natin ay mayroon pa ring nais ipaliwanag ang lumang kasulatan ng Bible, maging ang Psalm 119, na ating pinag-uusapan. Ang tema ng pagpapahalaga sa utos ng Diyos at pagsunod sa alituntunin ng Diyos ay hindi sikat na topic. Hindi ito pinaghahanap masyado. Pero mas mahalaga itong di hamak sa mga sikat na topics na nagkalat sa internet. Ang mga utos ng Diyos ay naghahayag ng nilalaman ng puso ng Diyos. Ang alituntunin ng Diyos ay nagpapakita ng naisin ng Diyos na tayo’y mapalapit sa Kanya. Kung mauunawaan ng mga Kristiyano ang pagpapahalaga sa utos at ang pagsunod sa alituntunin, hindi magtatampo ang tao sa Diyos. Bagkus lalo pang magnanais tayo na mapalapit sa Diyos.
Alamin ang puso ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang utos at alituntunin. Ramdamin ang naisin ng Diyos na mapalapit tayo sa Kanya sa pamamagitan ng paglinang ng pusong masunurin. Pahalagahan ang utos ng Diyos. Basahin ito. Pagbulay-bulayan ito. Aralin ito. Sundin ito sa tulong ng Espiritu ng Diyos. Tamasahin ang lalong paglapit natin sa Diyos.
Panalangin:
Mapagpalang Diyos Ama, napakahalaga ng Inyong mga utos. Minsan may mga pagkakataon na ako ay hindi nagbibigay halaga sa Iyong utos kaya hindi ko ito nasusunod. Baguhin Niyo po ako. Gawin Mo akong mapagpakumbaba at masunurin. Hindi ko po ito kaya sa aking sarili lamang. Kaya, turuan Niyo po ako at bigyan ng pusong masipag pag-aralan ang Iyong Salita.
Ikaw ang aking Panginoon. In Jesus’ Name, Amen.
Pagninilay:
Ano ang mga salita na ginamit ng manunulat ng Psalm 119 para ang utos ng Diyos ay kanyang mabigyan ng halaga?
Ayon sa Psalm 119, bakit bawas ang struggle ng taong nakakasunod sa mga alituntunin ng Diyos?
Sa iyong sariling pananalita, papaano mo mabibigyan ng halaga ang mga utos ng Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions