October 27, 2023 | Friday
Ang Prayoridad Ng Isang Kristiyano
Today's verse: Luke 10:41-42 (MBBTag)
Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit iisa lamang ang kailangan. Pinili ni Maria ang mabuti at ito'y hindi aalisin sa kanya.”
Read: Luke 10
Ang presensya ng Diyos at ng Kanyang mga Salita ang nag-iisang kailangan na hindi magagapi ng kaabalahan at kabalisahan ng buhay.
Ang Luke 10:38-42 ay nagpapakita ng isang makabukas isipan na larawan ng isang buhay kristiano. Si Marta ay puno ng kabalisahan at kaabalahan sa buhay na nakaligtaan na ang "iisa lamang ang kailangan" – ang umupo sa paanan ni Hesus at makinig ng Kanyang mga salita. Si Maria ay pinili na manatili lamang sa paanan ni Jesus at makinig ng Kanyang Salita. Kaya ang sinabi ng Panginoon kay Marta ay mas pinili ng kanyang kapatid ang mas mabuti at hindi ito maaalis sa kanya.
Ang manahan sa presensya ng Diyos ay isang ‘antidote’ sa kaabalahan at kabalisahan sa buhay. Ito ang priority ng bawat kristiano. Ito din ang pinakamahalaga sa buhay mananampalataya. Ang Presensya ng Diyos at ang Kanyang Salita ang makapagbibigay sa atin ng kapayapaan laban sa kaabalahan at kabalisahan. Katulad ni Maria na pinili ang mabuti, tayo ay binibigyan ng Panginoon ng kakayanang magdesisyon na piliin ang pinakamainam. Imbes na maging abala at balisa tayo sa maraming mga bagay na walang kaugnayan sa paglago ay mas mainam na kumbinsihin natin ang ating sarili sa mga bagay na may kaugnayan sa paglago sa ating relasyon sa Diyos.
"Iisa lamang ang kailangan" upang ito ay magkakaroon ng "ripple effect" sa ating buhay. Kumbinsihin ang ating sarili sa mga pinakamahalaga: ang Presensya ng Diyos at ang Kanyang mga Salita. Bigyan halaga ito ng higit pa sa kaabalahan at kabalisahan. Pagtuunan natin ng sapat na oras ang ating relasyon sa Diyos. Maging tapat at mapagkakatiwalaan. Sikapin natin na lumalim tayo sa Diyos at sa Kanyang salita. Bigyang-halaga ang kaharian ng Diyos at ang pamumuhay nang ayon sa Kanyang kalooban.
Panalangin:
Lord God in Jesus’ Name, tulungan at turuan mo po ako na ang maging priority ko kayo at ang Iyong Salita. Punuin Niyo po akong desire na makaniig ka palagi. Huwag Niyo pong hayaan na agawin ako ng aking mga kabalisahan at kaabalahan sa buhay. Bigyan Niyo po ako ng focus.
Sa Pangalan ng Panginoong Hesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang pinaparating ng Panginoon kay Marta nang sabihin Niya na "iisa lamang ang kailangan?"
Bakit naging sagot ng Panginoon ang "iisa lamang ang kailangan" sa ating mga kabalisahan at kaabalahan sa buhay?
Written by: Miguel Amihan, Jr
Read Previous Devotions