October 24, 2023 | Tuesday
Ang Paghanga Sa Kabutihan Ng Diyos
Today's verse: John 9:24-25 (FSV)
24 Sa pangalawang pagkakataon, tinawag nilang muli ang lalaking dating bulag, at sinabi sa kanya, “Magbigay-luwalhati ka sa Diyos! Alam naming makasalanan ang taong iyon.” 25 Sumagot siya, “Hindi ko alam kung siya nga ay makasalanan. Isang bagay ang nalalaman ko, na ako ay dating bulag, at ngayon ay nakakakita na.”
Read: John 9
Hindi mo kailangang malaman ang maraming bagay para umpisahan na sabihin sa iba ang tungkol sa kabutihan ng Diyos sa iyo.
Ang lalaki na dating bulag na pinagaling ni Jesus ay dumaan sa maraming pagtatanong tungkol sa kaniyang natanggap na kagalingan. Anuman ang mga katanungan na iyon ay kanyang sinagot ng walang palya. Dumating din sa punto na binatikos ng iba ang kanyang pagkatao dahil sa kanilang pananaw na siya ay makasalanan. Maging si Jesus na nagpagaling sa kanya ay hinusgahan na ring makasalanan. Hindi sinagot ng lalaki ang kanyang hindi nalalaman tungkol Kay Jesus. Ang pinagbasihan niya ay ang pagpapagaling sa kanya ni Jesus. Ang kabutihan ng Diyos ang kanyang napakaikling testimony.
Maaaring hindi natin alam ang maraming bagay tungkol sa Diyos. Ngunit hindi niyan pwedeng hadlangan ang iyong pagpapahayag ng naranasan mong kabutihan ng Diyos. Minsan may mga hamon ang buhay na binibigyan ka ng pagdududa sa Diyos. Ngunit kung may baon-baon kang kabutihang gawa ng Diyos sa iyong buhay, hindi ka matitinag ng anumang sitwasyon. Maging anumang pananalita ng mga tao, sadya man o di sadya, ay hindi magtatagumpay sa iyong lumalagong relasyon sa Diyos. Dahil alam mo na may miracles ang Diyos sa iyo araw-araw, ikaw ay lalong humahanga sa Diyos araw-araw.
Lumago sa paghanga sa Diyos. Ang Diyos ay may samu't-saring himala na ginagawa sa iyo bawat oras at bawat araw. Pasalamatan mo Siya sa pagpapatawad Niya sa iyong kasalanan. Purihin mo Siya sa umpisa pa lang ng bawat araw. Ipahayag mo sa iyong kapwa ang kabutihan ng Diyos sa iyo. Ipaliwanag mo sa ibang tao na mabuti sa iyo ang Diyos. Ang iyong kwento tungkol sa kabutihan ng Diyos ang pinakadakila mong kalasag sa anumang sandata ng pagdududa.
Panalangin:
Napakabuti mo sa akin, Diyos Ama. Sa pamilya ko ikaw ang tagapagsanggalang. Sa mga kaguluhan sa aking kapaligiran, ikaw ang aking tagapagtanggol. Lalo ko pong nauunawaan na ang kabutihan Mo ay dadalihin ako sa lalong pagkilala sa iyo.
Ikaw ang aking Tagapagpagaling. In Jesus’ Name. Amen.
Pagninilay:
Anong mga pananalita ng mga tao sa lalaki na dating bulag na pilit siyang binibigyan ng pagdududa?
Ano ang pinanghahawakan ng dating bulag bakit hindi siya natitinag sa gitna ng lahat ng pagtatanong at pagbabatikos?
Papaano mo maipagpapatuloy ang iyong pananampalataya at relasyon sa Diyos laban sa anumang kaabalahan, kaguluhan, o pagdududa?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions