October 20, 2023 | Friday
Kapag Ang Ating Mga Pagsubok Ay Higit Sa Ating Makakaya
Today's verse: 2 Corinthians 1:8-9 (FSV)
8 Nais naming malaman ninyo, mga kapatid, ang tungkol sa mga paghihirap na sinapit namin sa Asia. Sapagkat napakabigat ang aming naranasan doon na halos hindi namin nakaya, anupa't nawalan kami ng pag-asang mabuhay. 9 Ngunit kami mismo ang tumanggap ng hatol na kamatayan, upang kami ay huwag magtiwala sa aming sarili, kundi sa Diyos na bumubuhay sa mga patay.
Read: 2 Corinthians 1
Kung tayo ay magtitiwala sa Diyos at hindi sa sarili, wala tayong pagsubok na hindi natin kakayanin.
Ayon sa verse, sinabi ni Paul na siya at iba pa niyang kasama ay nakaranas nang higit sa kanilang kakayanang magtiis. Ang kanilang mga pinagdaanan ay sobrang bigat na umabot sila sa punto na gusto na nilang sumuko. Ngunit ayon din kay Paul, ang naging resulta ng mga pagsubok nila ay ang mas nagtiwala sila sa Diyos, sa Diyos na kayang bumuhay ng patay. Sila'y nagtiwala sa Diyos higit kaysa sa kanilang sarili.
Tulad nila Paul, kahit na may faith and relationship na tayo sa Diyos ay makararanas pa rin tayo ng mga pagsubok na sobra sobra sa ating kakayanan. Hindi tayo exempted sa trials and sufferings. Pero ang mga matitinding pagsubok na ito ay pwede maging daan para mas makita natin kung gaano kalaki ang Diyos na sinasamba natin.
Sa tuwing tayo ay magkakaroon ng mga pagsubok na nakakawala ng pag-asa, ano ba dapat nating tugon? Pangunahin ang magtiwala sa Diyos at hindi sa sarili. Kapag ang problema ay higit sa ating kakayanang intindihin o harapin, let us choose to trust God. Wala tayong magagawa kung lalabanan natin ang problema nang tayo lang. Kasunod ay alalahanin kung paano ka natulungan na ng Diyos. Remembering what God has done for us helps us to be more God-confident. Kung nagawa ni Lord na iligtas ka dati, kayang-kaya Niyang gawin ulit ‘yon! Panghuli, hayaan na ipanalangin tayo ng iba. Ask for prayers. Huwag nating maliitin ang panalangin ng mga ka-pananampalataya. Kaya kung nasa matindi kang pagsubok, magpa-pray na! “God is bigger than your problems”. Kaya imbis na tingnan mo ang problema mo na napakalaki, simulan mo nang sabihin kung gaanong mas malaki ang Diyos!
Panalangin:
Panginoong Diyos na nagmamahal sa amin ng higit sa aming nauunawaan, pinupuri kita. Lord, hayaan mo na mas makita kita sa bawat pagsubok na kinakaharap. Sa’Yo ako magtitiwala dahil sa Inyo rin nanggagaling ang lakas ng aking loob. Alam kong kaya Mong gawin kahit ang mga imposibleng bagay. Kaya Panginoon, sa Iyo’y ako nagpapakumbaba. Sa pangalan ni Hesus, Amen.
Pagninilay:
Paano ko hina-handle ang mga pagsubok na higit sa aking kakayanan?
Kanino ako nagtitiwala kapag ako’y nawawalan na ng pag-asa?
Anong mga ginawa na ng Panginoon sa aking buhay na pwede kong alalahanin sa tuwing may mga pagsubok ako?
Written by: Jeandyl De Asis
Read Previous Devotions