October 18, 2023 | Wednesday

Ang Layunin Ng Kapanganakan Ni Jesus

Today's verse: Matthew 1:21 (FSV)

Magsisilang siya ng isang lalaki at ang ipapangalan mo sa kanya ay Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.”


Read: Matthew 1

Ang kapanganakan ni Jesus ay nagpapahayag sa layuning ginagawa ng Diyos laban sa matinding epekto ng kasalanan.


Nangusap ang Diyos kay Jose sa pamamagitan ng angel. Ang mensahe ng angel kay Jose ay para bigyan siya ng lakas ng loob na pakasalan pa rin si Maria. Ang dakilang layunin ng Diyos para sa Kanyang bayan ay kinakailangan ang pagsunod ni Jose at ni Maria. Sila ay bahagi ng dakilang plano ng Diyos sa pagliligtas ng “kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.”


Ang layunin sa kapanganakan ni Jesus ay para iligtas tayo sa ating mga kasalanan. Ang kasalanan ay kasalanan. Ngunit palaisipan pa rin sa maraming tao kung gaano katindi talaga ang epekto ng kasalanan. Hindi pa rin ganun kalinaw ang usapin ng kasalanan kumpara sa kapanganakan ni Jesus. Maaaring ang iniisip ng iba ay ipinanganak si Jesus para magkaroon ng pasko at bonus. Ito ang ating dapat na unawain: matindi ang sakripisyo ni Jesus para ang layuning iligtas tayo sa epekto ng kasalanan ay mangyari. Mula sa kapanganakan ni Jesus hanggang sa kamatayan Niya ay ipinakita ng Diyos ang Kanyang pag-ibig. 


Sa nalalapit na panahon ng kapaskuhan, alalahanin natin ang dakilang kaloob ng Diyos. Higit ito sa anumang regalong bagay na tatanggapin natin o inaasam natin. Isaisip natin ang kwento ni Jesus ayon sa Biblia. Alalahanin natin na hindi simple ang sakripisyo para matupad ang layunin ng Diyos. Kahit dumating ang panahon na feeling condemned tayo dahil may nagagawa pa rin tayong kasalanan, ang paraan ay manumbalik sa Diyos. Siya’y nagpapatawad. Isapuso natin ang layunin na iligtas tayo mula sa mga epekto ng ating mga kasalanan.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, salamat sa layunin Mong iligtas kami sa aming kasalanan. Patawarin mo ako sa aking pagsuway sa Iyo. Inaalala ko ngayon ang layunin ng kapanganakan ni Jesus. Turuan mo akong bigyan ito ng pagpapahalaga sa pamamagitan ng pagtanggap sa iyong pag-ibig sa akin. Ilayo mo ako sa gawi na balewalain Ka at ang iyong mga utos.

Ikaw Panginoong Jesu-Kristo ang aking Tagapagligtas. Amen.

Pagninilay:

The Bible in 1 year: John 4-6

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions