October 14, 2023 | Saturday

Ang Kaibahan Ng Naririnig Sa Nakikinig

Today's verse: Revelation 2:29 (MBBTag)

“Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!”


Read: Revelation 2

Nakakalito man ang madaming boses na umaagaw ng ating pansin sa Diyos, dapat linangin pa rin ng mga Kristiyano ang pakikinig at pagsunod sa Holy Spirit.


May kakaibang gawi si Jesus Christ sa pagtawag sa pansin ng mga tao – lalo na sa mga Kristiyano. Ang Kanyang mga piling salita ay “Ang lahat ng may pandinig ay makinig …” Sa Gospels man o sa Revelations, ginamit ni Jesus ang mga nasabing kataga. Ang kaibahan sa Revelations ay idinagdag ang mga katagang “... sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!”. Pansin na nanawagan si Jesus sa mga Kristiyano sa churches na tinutukoy sa aklat ng Revelations. 


Ngayon sa ating panahon, may panawagan pa rin si Jesus Christ sa pamamagitan ng Holy Spirit. Hindi lamang sa individual na mga Kristiyano kundi maging sa mga Kristiyanong nabibilang sa mga churches. Isama na rin natin dito ang buong Body of Christ. Nangungusap ang Holy Spirit. Ginagamit ng Espiritu ang mga nakasulat sa Bible para mangusap sa atin. Ang ganitong pangungusap at panawagan mula sa Holy Spirit ay mas malalaman kung makikinig talaga tayo. Malaki ang kaibahan ng sadyang nakikinig sa naririnig lamang. 


Nanawagan ang Holy Spirit sa mga churches at sa mga Kristiyanong bahagi nito. May mga importanteng mensahe na dapat pakinggan at unawain. Bigyan ito ng nararapat na pansin. Aralin ang tinig ng Holy Spirit kumpara sa maraming mga tinig sa paligid. Sundin ng taos sa puso ang mensahe ng Diyos. Iwasan ang consequences kung babalewalain natin ang mensahe ng Diyos. Asahan ang blessings kung taos sa puso nating uunawain at susundin ang mga utos. Huwag ipagpaliban. Huwag ipagpabukas. Ngayon na makinig at umunawa. Ngayon na sumunod ng taos sa puso.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, aminado pa akong may panahon na nababalewala ko ang iyong mensahe at hindi nabibigyan ng tamang pansin. Patawarin mo ako at mas abala ako sa social media kesa sa Iyong Biblia. Nais ko nang ibigay sa Iyo ang aking pansin. Bigyan mo ako ng sipag na makinig, umunawa, at sumunod sa Iyo.

In Jesus’ Name. Amen.

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Luke 19-21

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions