October 12, 2023 | Thursday
Ang Kapangyarihan Ng Diyos Ay Nahahayag Sa Kahinaan Ng Tao
Today's verse: 2 Corinthians 12:9-10 (FSV)
Ngunit sinabi niya sa akin, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo, sapagkat ang kapangyarihan ko ay lubos na nahahayag sa kahinaan.” Dahil dito, masaya kong lalong ipagmamalaki ang mga kahinaan ko upang manatili sa akin ang kapangyarihan ni Cristo. Kaya, alang-alang kay Cristo, ako'y may kasiyahan sa gitna ng mga kahinaan, mga panlalait, mga paghihirap, mga pag-uusig, at mga kasawian. Sapagkat kung kailan ako mahina, doon naman ako malakas.
Read: 2 Corinthians 12
Ang tao na malakas na sa kanyang sarili ay imposibleng mararanasan ang kapangyarihan ng Diyos.
Aminado si Apostle Paul na siya’y dumanas ng matinding pahirap na halos sumuko na siya. Kahit si Pablo ay bihasa na sa Salita at mga kapahayagan ng Diyos, dumanas pa rin siya ng mga pagsubok. Naunawaan niya na hindi katagalan na itong mga pahirap pala ay para hindi siya magyabang. Ito ang nadiskubre niya na kalooban ng Diyos: bagamat nag-request siya sa Diyos na alisin ang pahirap na iyon, ang mensahe ng Diyos sa kanya ay “Ang Aking biyaya ay sapat na sa iyo, sapagkat ang kapangyarihan ko ay lubos na nahahayag sa kahinaan.” Dahil sa mensaheng ito ng Diyos, ang naging pananaw na ni Pablo ay aminin palagi ang kanyang kahinaan para ang kapangyarihan ng Diyos ang mahayag.
Mas kilala tayo ng Diyos higit sa pagkakilala natin sa ating sarili. Kahit dumami na ang ating kaalaman at karanasan sa buhay, hindi pa rin tayo darating sa punto na alam na natin ang lahat sa buhay. Meron at meron pa rin tayong dapat madiskubre sa ating mga sarili. Isa sa mga major na kahinaan ng tao ay ang ‘pagmamalaki’. Dahil nga mas kilala tayo ng Diyos, may pinapayagan siyang mga iba’t-ibang level ng pagpapahirap sa atin para magkaroon tayo ng realizations at hindi tayo magyabang.
Aralin natin ang ating sarili. Aminin natin ang ating mga kayabangan. Alamin natin ang ating mga kahinaan. Masaya nating tanggapin ang anumang mga panlalait, mga paghihirap, mga pag-uusig, at mga kasawian para lalo tayong umasa sa kapangyarihan ng Diyos. Kadalasan, ito ay ginagamit ng Diyos upang tayo ay magpakumbaba sa Kanya. Kung kailan tayo aminadong mahina, doon mas mahahayag ang kapangyarihan ng Diyos.
Panalangin:
Ako po’y lumalapit sa Iyo, Diyos Ama. Ako’y aminadong may kayabangan. Tulungan Mo po na ma-realize ko na may nangyayaring pahirap sa akin na para turuan Mo akong magpakumbaba. Ihayag Mo ang Iyong kapangyarihan sa aking mga kahinaan.
In Jesus’ Name, Amen.
Pagninilay:
Ano ang nararanasang ni Apostle Pablo na mga pahirap sa buhay?
Bakit may nararanasan pa rin tayong mga pahirap sa buhay kahit tayo ay mga nananalig naman sa Diyos?
Papaano ang tamang tugon sa mga paghihirap sa buhay?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions