October 13, 2023 | Friday
Ang Bisa at Epekto Ng Salita Ng Diyos
Today's verse: 1 Thessalonians 2:13 (FSV)
Patuloy din ang aming pagpapasalamat sa Diyos sapagkat nang ipinangaral namin sa inyo ang salita, tinanggap ninyo ito hindi bilang mula sa tao kundi bilang salita ng Diyos na nagbubunga sa inyong mga sumasampalataya.
Read: 1 Thessalonians 2
Ang bisa ng Salita ng Diyos ay nangyayari sa tao kapag ito’y ipinangaral at tinanggap bilang Salita ng Diyos.
Sinabi ni Pablo sa mga taga-Tesalonica," ..hindi nyo ito tinanggap mula sa tao kundi bilang tunay na salita ng Diyos at ang bisa nito'y nakikita sa buhay ninyo na mga sumasampalataya". Bagamat tao ang ginamit para maisulat ang Bible na naglalaman ng Salita ng Diyos, ngunit ang mensaheng nakapaloob dito ay galing sa Diyos. Ganito ang turing ng mga Kristiyano sa Tesalonica. Tinanggap nila ang Salita ng Diyos bilang salita ng Diyos. Ang naging bunga nito ay mga pagbabago sa buhay nila bilang mananampalataya.
Nang tanggapin natin mula sa Diyos ang Salita, nagkakaroon ito ng bisa sa ating buhay. Ang bisa ng Word of God ay nakikita sa buhay ng sumasampalataya. Ang resulta, tayo'y nagkakaroon ng panibagong buhay. Dating Marites, ngayon ang Panginoon na ipinagsasabi. Dati punong-puno ng galit at unforgiveness ang puso, ngayon ay natuto na tayong magmahal at magpatawad. Ilan lamang ito sa resulta dala ng bisa ng Salita ng Diyos. Marami pang pagbabago sa buhay natin habang patuloy nating tinatanggap ang Salita ng Diyos bilang Salita ng Diyos. Bukod pa rito, nakakatuwang mangaral ng Salita Diyos at nakita natin ang mga tumanggap sa Salita ng Diyos ay lumalago sa pananampalataya at pagsunod. Ang pasasalamat natin sa Diyos ay katibayan na hindi nasayang ang pangangaral natin sa kanila.
Tanggapin ng taos sa puso ang Salita ng Diyos. Huwag pagsawaang pakinggan at matuto sa mga salitang galing sa Bible. Walang imposible sa kahit sinong tao ang tumanggap ng salita ng Diyos. Naisin mong maranasan ang bisa at pagkilos ng Diyos sa iyong buhay. Ibahagi ang Salita sa mas maraming tao.
Panalangin:
Aming Diyos sa langit, wala kaming sariling kakayahang magbago. Alam namin ito ay galing sa Iyong Salita. Maraming salamat po sa iyong mga Salita na pinapangaral sa amin at tinanggap namin. Salamat po sa mga pagbabago na ito sa aming buhay simula nang tanggapin namin ito bilang tunay na Salita ng Diyos.
Sa pangalan ng aming Panginoong Jesus, Amen
Pagninilay:
Ano ang ginawa ni Pablo kasama ng ibang mananampalataya upang makarating sa mga tao ang Salita ng Diyos?
Ano ang mga dahilan ng pagpapasalamat sa Diyos ni Pablo?
Paano nagkakaroon ng bisa ang salita ng Diyos buhay natin bilang mga tagasunod ni Jesu-Kristo?
Written by: Grace Estrabon
Read Previous Devotions