October 16, 2023 | Monday
Ang Planong Hindi Natin Maiintindihan
Today's verse: Job 3:23 (ASND)
Bakit kaya niloob pa ng Dios na mabuhay ang tao nang hindi man lamang pinapaalam ang kanyang kahahantungan?
Read: Job 3
Patuloy pa rin tayong mananampalataya sa Diyos sa kabila ng mga mabibigat na pagsubok ng buhay. Ito ang ating sandalan sa mga panahon ng kawalan ng katiyakan.
Sa talatang ito mula sa aklat ni Job, naghahayag si Job ng kanyang pagtataka ukol sa mga plano ng Diyos. Ito ay isang mahalagang bahagi ng paglalakbay natin sa pananampalataya na nagpapakita kung paano natin nauunawaan ang mga pangyayari na minsan ay labis nating hindi nauunawaan. Sa Job 3:23 ay nagtatanong si Job, "Bakit kaya niloob pa ng Dios na mabuhay ang tao nang hindi man lamang pinapaalam ang kanyang kahahantungan?" Ito ay isang pag-aalinlangan mula sa puso ni Job dahil sa mga pangyayari sa kanyang buhay.
May mga pagkakataon na parang tayo rin ay nagtatanong kung bakit may ilang bagay na hindi natin naunawaan. Isang mahalagang bahagi ng pagiging Kristiyano ay ang pagtanggap na hindi natin maiintindihan ang lahat ng plano ng Diyos. May mga pagkakataon na ang plano ng Diyos ay masalimuot. Ngunit kailangan nating tandaan na ang Diyos ay may mas malalim na pang-unawa at mabuting plano para sa ating buhay. Ang mga hindi mabuting pangyayari ay hindi palaging dahil sa ating kasalanan. Tulad ni Job, marami sa atin ang nagtatanong o nagtataka kung bakit tayo dumaraan sa mga mabibigat na pagsubok ng buhay. Sa pagkakataong ito kailangan lang nating magtiwala sa Diyos kahit hindi natin nauunawaan ang lahat. Siya ay tapat sa Kanyang mga pangako.
Magtiwala palagi sa Diyos. Bagamat madalas hindi natin alam ang kahahantungan natin sa gitna ng pagsubok, alam nating hindi tayo iiwan ng Diyos. Sa Kanyang oras at paraan, ipapakita Niya ang Kanyang plano na may kabutihan at may layunin.
Panalangin:
Mahal na Diyos, sa gitna po ng aming mga pag-aalinlangan at kawalan ng pang-unawa, nagpapasalamat kami sa Iyo dahil ikaw ay laging tapat at handang makinig sa aming mga katanungan at mga hinaing. Ama, alisin niyo po ang aming mga agam-agam at bigyan kami ng mapayapang puso na nagtitiwala sa Iyo sa kabila ng mga pagsubok.
Sa ngalan ni Hesus, aming Tagapagligtas, aming idinadalangin ang mga bagay na ito. Amen.
Pagninilay:
Katulad ni Job, anong mga pangyayari sa buhay mo ngayon na nagdulot sa iyo ng pag-aalinlangan o kawalan ng katiyakan?
Paano mo natutunan na magkaroon ng pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos kahit hindi mo nauunawaan ang plano ng Diyos?
Anong mga hakbang na maaari mong gawin upang maging mas malapit ka sa Diyos at mas maging matibay ang iyong pananampalataya sa anumang katanungan at pag-aalinlangan?
Written by: Victor Tabelisma
Read Previous Devotions