October 17, 2023 | Tuesday

Iniibig Ko Ang Kautusan Ng Diyos

Today's verse: Psalm 119:97-98 (ASND)

97 Iniibig ko ang inyong kautusan. Palagi ko itong pinagbubulay-bulayan. 98 Ang mga utos nʼyo ay nasa puso ko, kaya mas marunong ako kaysa sa aking mga kaaway.


Read: Psalm 119

Ang isang lumalagong Kristiyano ay darating sa punto na siya ay may kakaibang pag-ibig sa Diyos at sa Kanyang mga kautusan.


Ang manunulat ng Psalm 119 ay nagtalaga ng 176 verses para bigyang halaga ang kautusan ng Diyos. Sa panahon ng Old & New Testament, ang tawag nila sa kautusan ng Diyos ay ang “buong Kautusan at ang mga propeta”. Ang pag-ibig ng manunulat sa mga kautusan ng Diyos ay nagbigay sa kanya ng sipag para ito ay pagbulay-bulayan. Sinisikap niyang ilagak ang kautusan sa kanyang puso. Ang resulta ng kanyang debosyon sa kautusan ay nagiging mas marunong siya kumpara sa ibang mga tao.


Nakakatuwang malaman na pwede palang ibigin hindi lamang ang Diyos kundi maging ang Kanyang kautusan. Ang ibig sabihin na iniibig natin ang kautusan ng Diyos ay ang magkaroon tayo ng lumalalim na paggalang at pagpapahalaga sa Kautusan. Ang pag-ibig natin sa Diyos ay tinuturuan tayo na pagbulay-bulayan ang Kanyang kautusan. At kapag mahal natin ang kautusan ng Diyos ay darating din tayo sa lebel na mas namamahal natin ang Diyos at mas nasusunod natin ang Diyos. Ang nagmamahal sa Diyos ay mahal ang New Testament pati ang Old Testament Bibles. 


Igalang at pahalagahan ang kautusan ng Diyos. Basahin ang buong New Testament. Pagbulay-bulayan din ang Old Testament. Gamitin araw araw ang napili mong devotional material. At kung gusto mong mas lumawak pa ang unawa mo sa Salita, pwede mong gamitin at sundan ang nilalaman ng daily devotions ng UVCC. Hindi man biglaan, kundi sa matiyaga at tuloy-tuloy na gawi ng paggawa ng daily devotions, ikaw ay maituturing na lumalagong Kristiyano. 

Panalangin:

Diyos Ama, palaguin mo ako sa pag-ibig sa Iyo at sa Iyong kautusan. Tulungan mo akong maging matiyaga sa pagbabasa at pagbubulay-bulay ng nilalaman ng Biblia. Nawa, ito ay magresulta sa pagtanggap ko ng karunungan mula sa Iyo. Ilayo Mo po ako sa kapahamakan sa pamamagitan ng pagsunod sa Iyong mga kautusan.

Ikaw ang aking pag-ibig at karunungan. In Jesus’ Name. Amen.

Pagninilay:

The Bible in 1 year: John 1-3

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions