October 21, 2023 | Saturday

Ang Pagtitiyaga, Katatagan, At Pag-Asa Mula Sa Tamang Pananaw

Today's verse: Romans 5:3-4 (FSV)

3 At hindi lamang iyan. Nagagalak din tayo sa mga pagdurusang ating nararanasan, sapagkat alam nating ang pagdurusa ay nagbubunga ng pagtitiyaga. 4 Ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng katatagan, at ang katatagan ay nagdudulot ng pag-asa.


Read: Romans 5

Mula sa tamang pananaw, ang pagdurusa ay nagbubunga ng pagtitiyaga, na nagbubunga ng katatagan, na nagdudulot ng pag-asa.


Si Apostol Pablo ay may pinagsamang pananampalataya na may tamang pananaw. Lagi siyang nagtuturo ng tamang pananaw ayon sa kalooban ng DIyos. Siya ay qualified na magturo nito dahil siya mismo ay nakaranas ng iba’t-ibang pagdurusa. Ang hikayat niya sa mga mananampalataya ng taga-Roma ay magalak sa nararanasang pagdurusa. Ang tamang pananaw na ito sa gitna ng mga nararanasan nilang pagdurusa ay may mabuting dulot. Andyan ang pagtitiyaga, ang pagiging matatag, at ang pagkakaroon ng pag-asa. Si pablo ay may pananaw na mula sa Diyos kaya may mabuti siyang nakikita sa gitna ng anumang pagdurusa.


Tayo ay nararapat na magkaroon ng tamang pananaw sa tuwing nakakaranas tayo ng pagdurusa. May iba’t-ibang mga pagdurusa. Andyan ang mabigat na emosyon o pakiramdam, ang kabalisahan, ang kakulangan sa pangangailangan, ang mga di maunawaang pangyayari, mga pag-aalala, mga salitang masakit, kalooban na hindi matahimik dahil sa nagawang kasalanan, atbp. Alin man dito, kung magiging tama ang ating pananaw, ang dulot pa rin ng mga pagdurusang ito ay pagtitiyaga, pagiging matatag, at pag-asa.  May itinuturo ang Diyos sa ating mga pagdurusa.


Sikapin natin maitama ng Salita ng Diyos ang ating pananaw. Palaguin ang mga tamang pananaw na nasimulan na ng Diyos sa iyo. Magpa-correct tayo. Hindi natin alam lahat ng bagay o pangyayari. Kaya huwag natin husgahan ang ating sarili o ang ibang tao. Alamin kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng pagiging matiyagang Kristiyano, matatag na Kristiyano, at may pag-asang Kristiyano.

Panalangin:

Dakilang Diyos Ama, ako po ay may mga nararanasang pagdurusa. Sa aking mga pagdurusa bigyan Mo ako ng tamang pananaw. Nalalaman ko ngayon na ang layunin ng nararanasan kong pagdurusa ay para ako'y mamumuhay ng  matiyaga, matatag, at may pag-asa.

Sa iyo ko ipinagkakatiwala ang aking sarili, Panginoon. In Jesus’ Name. Amen.

Pagninilay:

The Bible in 1 year: John 13-15

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions