October 28, 2023 | Saturday
Buong Tapat Na Purihin Ang Panginoon
Today's verse: Psalm 8:1-2 (ASND)
O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo, at ipinakita nʼyo ang inyong kaluwalhatian hanggang sa kalangitan. Kahit mga bata at sanggol ay nagpupuri sa inyo, kaya napapahiya at tumatahimik ang inyong mga kaaway.
Read: Psalm 8
Ang isang tao na tapat na nagpupuri sa Diyos ay may narating nang antas ng pang-unawa tungkol sa kadakilaan at kaluwalhatian ng Diyos.
Si Haring David ay kilala na mandirigma at makata. Hindi siya nahiya bilang hari na ipahayag kung sino sa kanya si Yahweh. Sumulat siya ng maraming Salmo na naghahayag ng kadakilaan at kaluwalhatian ng Panginoon. Sa Psalm 8, isinulat ni David na hayag na hayag sa kanya ang kadakilaan at kaluwalhatian ng Diyos. Alam din ni David na maging ang mga bata at sanggol ay alam na rin iyun. Nananahimik na lamang ang mga kaaway dahil sa masiglang pagsasabi ng kapurihan ng Diyos.
Tunay na hayag at pwedeng mapagmasdan ang kadakilaan at kaluwalhatian ng Diyos. Andyan ang Biblia na nagsasaad ng mga nangyari sa mga nakalipas na mga libong taon na nagsasabi kung sino talaga ang Diyos. Mula sa mundo na ating nakikita at maging ang kalawakan ay nagsasabi na may Diyos. Ito ngayon ang kapahayagan: Kung ikaw ay may kakayanang manahimik, isipin ang Diyos, at magpuri sa Kanya ng buong sigla dahil sa mga nahayag sa iyong kadakilaan at kaluwalhatian ng Diyos, ikaw ay may narating na antas ng pang-unawa. Kung hindi man gayon, hindi pa huli ang lahat.
Alamin ang pinaka problema bakit may katamaran tayong nararamdaman sa pagpupuri sa Diyos. Asamin mo ngayon at huwag nang ipagpaliban pa ang tapat at mula sa pusong pagpupuri sa Diyos. Alamin na ang pagpupuri sa Diyos ay ang pagpapahayag na ang Diyos ay dakila at puno ng luwalhati. Lagyan mo ito ng buhay sa pamamagitan ng mga awit at pagsasabi ng personalan sa ibang tao. Maging gawi nang maisama palagi ang Diyos sa lahat ng iyong usapan. Buong tapat mong purihin ang Diyos at ang mga kaguluhan sa puso’t isip mo na dala ng kaaway ay sadyang mananahimik. Lampasan ang malamyang pagpupuri.
Panalangin:
Dakilang Diyos Ama, pinupuri ko ang iyong pangalan. Ikaw ay puno ng karangalan. Ikaw ay dakila. Sa buhay ko Ikaw ay tapat. Salamat sa Iyong katapatan. Unawa ko ang iyong kabaitan. Panatilihin mo sa puso ko ang palaging magpuri sa Iyo. Sa aking pag-awit at sa aking pakikipagkwentuhan, ikaw palagi ang mapapurihan.
Purihin ka, dakilang Diyos at Panginoon. In Jesus’ Name, Amen.
Pagninilay:
Ipaliwanag ang “purihin ang Diyos”?
Bakit kailangang pinupuri natin ang Diyos?
Papaano mo masusukat kung ikaw ay nag-iimprove na sa pagpupuri sa Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions