November 2, 2023 | Thursday
Ang Katatagan At Lakas Ng Loob
Today's verse: Joshua 1:7 (MBBTag)
7 Basta't magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Sundin mong mabuti ang buong Kautusang ibinigay sa inyo ni Moises. Huwag kang susuway sa anumang nakasaad doon, at magtatagumpay ka saan ka man magpunta.
Read: Joshua 1
Ang pagharap sa pagbabago sa iyong buhay ay nangangailangan ng katatagan at lakas ng loob.
Nang pangunahan ni Joshua ang Israelites patungong Promised Land, kinaharap niya ang isang malaking pagbabago sa kanyang buhay. Hindi niya pa ito nararanasan. Ngunit lubos niyang alam na may utos ang Diyos na magtungo sa lupang pangako. Maraming hamon at pagbabago na kailangang harapin. Sa gitna ng lahat ng mga ito, ang bilin sa kanya ng Diyos ay magpakatatag at lakasan ang loob. Ito’y pangunahin.
Iniisip ng marami na ang konting pagsuway ay hindi naman iindahin. Ang konting paglihis palayo sa paggawa ng mabuti ay madali namang bawiin. Ang bawat maliit na pagsunod o pagsuway sa Diyos ay may mahalagang maidudulot sa kabuuang plano ng Diyos sa ating buhay. Hindi natin maiiwasan ang consequences sa bawat pagsuway. Hindi rin naman natin maitatanggi ang pagpapala ng Diyos sa bawat pagsunod. Marunong ang Diyos na magpala sa kanyang anak na nagiging matatag at malakas ang loob para Siya’y parangalan.
Sundin ang Diyos ng may katatagan at may lakas ng loob. Tandaan na may pagpapala mula sa Diyos sa ating bawat pagsunod. Hindi ito malilimutan ng Diyos. Huwag balewalain na may pagpapalo din mula sa Diyos sa bawat paglihis natin sa Kanyang kalooban. Siguradong hindi rin ito kaliligtaan ng Diyos. Kaya, mas alamin ang layunin ng Diyos sa iyo. Mangarap kang mapangiti ang Diyos sa pamamagitan ng iyong mapagpakumbaba at masunuring buhay. Anuman ang hamon para suwayin ang Diyos, maging matatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Anuman ang mga higanteng problema na nais kang takutin, maging matatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Kakampihan ka ng Diyos sa iyong pagsunod sa Kanyang plano sa iyong buhay at sa paggawa mo ng mabuti. Kaya, maging matatag ka at lakasan mo ang iyong loob.
Panalangin:
Ikaw ang aking katatagan at lakas ng loob, aking Diyos Ama. Nakatuon ang aking paningin sa Iyo. Ako ay mahina sa aking sarili. Ngunit andyan ang iyong Salita at mga utos para ako ay bigyan ng katatagan at ng lakas ng loob na gawin pa rin ang mabuti, anuman ang hamon o problema sa buhay.
Maraming salamat, aking Panginoon. In Jesus’ Name, Amen.
Pagninilay:
Alam natin na sa dulo buhay ni Joshua ay naging malapit at naka-commit pa rin siya sa Diyos. Ano ang kinalaman ng unang bahagi ng buhay niya para manatili ang katatagan at lakas ng loob ni Joshua?
Papaano magiging matatag at malakas ang iyong loob?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions