November 4, 2023 | Saturday

Si Hesus Ang Mabuting Pastol

Today's verse: Juan 10:10-11 (MBBTag)

Dumarating ang magnanakaw para lamang magnakaw, pumatay, at manira. Naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, ng isang buhay na masagana at ganap. “Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa.  


Read: John 10

Walang ibang layunin kundi magbigay ng buhay, isang ganap at masagana na buhay sa piling ng mabuting pastol, buhay Niya'y iaalay sayo. Siya ay si Jesus ang nagmamahal sayo. 


Ipinapahayag sa atin ng Panginoong Hesus ang kaibahan ng Kanyang pagparito kumpara sa isang magnanakaw. Sabi Niya na ang magnanakaw ay may layunin na magnakaw, pumatay at manira. Ngunit ang layunin sa Kanyang pagparito ay upang ang tao ay magkaroon ng isang masagana at ganap na buhay. Sinabi din ng Panginoong Hesus na may kaugnayan ang isang masagana at ganap na buhay sa Kanyang pagiging "mabuting pastol". Maging ang Kanyang buhay ay iaalay niya. 


Si Jesus na mabuting pastol ay inaakay tayo sa isang landas patungo sa masagana at ganap na pamumuhay. Inaalagaan niya tayo ng Kanyang pagmamahal. Anuman ang kalalagayan natin, ang Kanyang naisin ay magkaroon tayo ng maunlad na buhay kahit sa kabila ng mga pagsubok. Ang nais ipaunawa sa atin ng Panginoon na ang mga pagsubok ay bahagi na ng ating buhay habang tayo ay lumalakad sa ating pananampalataya bilang kawan ng Diyos. Anuman ang layunin sa atin ng kaaway upang mailayo tayo sa pagsunod kay Hesus, hindi pa rin matutumbasan nito ang kalinga ng Diyos sa atin. 


Kumapit tayo sa Panginoon ng may katatagan at pagtitiwala sa kanyang mga Salita. Gamitin natin ito na pananggalang sa lahat ng uri ng pandaraya sa atin ng kaaway. Samahan natin ng disiplina at pagsunod sa proseso ng Diyos dahil hindi madali ang buhay mananampalataya. Ang buhay mananampalataya ay isang paglalakbay. Hindi man natin kabisado ang daanan, ngunit sinasamahan at inaakay tayo ng "mabuting pastol" patungo sa buhay na masagana at ganap. Palaguin ang buhay na ito sa pamamagitan ng “intimacy with God”. Ang Presensya ng Diyos ang mas magpapalago sa buhay mananampalataya.

Panalangin:

Maraming salamat, Ama sa pangalan ng Panginoong Hesus, sa pagnanais mo sa aking buhay na maging masagana at ganap. Salamat din sa pag-aalaga at pag-aakay tungo sa isang maunlad na buhay. Salamat sa pagmamahal mo na sa bawat araw ay aking nararanasan. 

Sa pangalan ng Panginoong Hesus, Amen.

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Acts 22-24

 Written by: Miguel Amihan, Jr

Read Previous Devotions