November 7, 2023 | Tuesday
Ang Makasama Ang Diyos Araw-Araw
Today's verse: Acts 10:38 (FSV)
kung paanong si Jesus na taga-Nazareth ay binuhusan ng Diyos ng Banal na Espiritu at ng kapangyarihan; kung paanong naglibot siya na gumagawa ng mabuti at nagpapagaling ng lahat ng mga pinahihirapan ng diyablo, sapagkat kasama niya ang Diyos.
Read: Acts 10
May panawagan na makasama natin ang Diyos araw-araw para tayo’y makaranas at maging daluyan ng kabutihan at kagalingan ng Diyos.
Ipinahayag ni Apostol Pedro sa Acts na may panawagan si Jesus nung siya’y nagkatawang tao. Si Jesus ay taglay ang Espiritu Santo at siya’y may kapangyarihan na nilibot ang mga iba’t-ibang lugar. Naging gawi Niya ang gumawa ng mabuti at ang magpagaling ng mga may karamdaman – lalo na ang pinahihirapan ng diablo. Ito ay kahanga-hanga!
Ang mga Kristiyanong may pananampalataya kay Kristo ay naniniwala na may espesyal na ‘calling’ o panawagan si Jesus mula sa Diyos. Ito ay ating pinaniniwalaan na hanggang ngayon ay gawain pa rin ni Jesus ang gawan tayo ng kabutihan. Ito man ay sa pangangailangan natin sa pang-araw-araw o maging sa mga iba pang bahagi ng ating pagkatao. Pansinin ang sinabing si Jesus ay “nagpapagaling ng lahat ng mga pinahihirapan ng diyablo”. Hindi lingid sa lumalagong Kristiyano na may espirituwal na labanan na nangyayari. Gawain ng diyablo na pahirapan ang mga tao sa pamamagitan ng kapangyarihan niya na magpahirap sa emosyon o pisikal man. Ang kailangan natin ay ang pagpapagaling ni Jesus. Si Jesus lamang ang pwedeng lumaban sa diablo para tayo ay makalaya sa tanikala. May kagalingan kapag kasama natin ang Espiritu ng Diyos.
Sadyain araw-araw na makasama ang Diyos. Manalangin at hingin na makasama natin siya sa ating pagpasok sa trabaho, sa loob ng tahanan, sa ating businesses, sa pagpasok sa eskwela, at sa iba pa. Bagamat ang diablo ay parang mikrobyo na andyan palagi sa paligid para mang-’oppress’ o magpahirap, andyan din naman si Jesus na ating makakasama lalo na kung hinihiling natin. Ipanalangin natin ang ating sarili at ating pamilya na makamtan ang pagsama ng Diyos araw-araw.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, nais kong kasama Ka sa araw-araw ng aking buhay. Ilayo Mo ako sa anumang pisikal, emosyonal, o spiritual na pagpapahirap ng diyablo. Ipagtanggol Mo po ako at ang aking pamilya sa anumang ‘oppression’ niya. Bilang karagdagan, nais ko ring makasama ka araw-araw upang ako ay maging daluyan din ng kabutihan at kagalingan ng Diyos para sa ibang tao.
Ikaw ang nais kong kasama araw-araw. In Jesus’ Name, Amen.
Pagninilay:
Ano ang ibig sabihin ng makasama ang Diyos araw-araw?
Bakit mahalaga na makasama natin ang Holy Spirit araw-araw?
Papaano magagawa ng lumalagong Kristiyano na maging daluyan din ng kabutihan at kagalingan ng Diyos para sa ibang tao?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions