November 23, 2023 | Thursday
Ang Mapagpakumbabang Pagkilala Sa Paghahari Ng Diyos
Today's verse: Luke 23:42–43 (MBBTag)
42 At sinabi pa nito, “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” 43 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso.”
Read: Luke 23
Ang tunay na pagpapakumbaba ay ang kilalanin ang paghahari ng Diyos.
Sa kwento tungkol sa isang magnanakaw sa tabi ni Jesus, mapapansin kaagad ang pagpapakumbaba sa kanyang pananalita. Ito’y kabaligtaran sa isa pang maganakaw na may kayabanangan ang pananalita. Ang totoo, binalewala ni Jesus ang pagtutuya nito. Samantala, ang nagpapakumbabang makasalamanan ay pinangakuan pa ni Jesus ng kasiguraduhan sa Paraiso.
Ang pagpapakumbaba natin sa Diyos ay may mabuting dulot: makukuha natin ang attention ng Diyos kasunod ang Kanyang pagpapala. Sa kabilang banda, ang kayabangan ay walang kahahantungan na mabuti kundi kapahamakan. Ang pagpapakumbaba ay ang pagkilala sa pagiging hari ng Diyos. “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na” ang sabi ng mapagpakumbabang makasalanan. Kaya, hindi pwede na kinikilala natin na hari ang Diyos pero tayo pa rin ang nasusunod. Hindi maaari na tinatawag natin na Panginoon si Jesus, pero binabalewala natin ang Kanyang Salita. Ang tunay na pagpapakumbaba ay ang kilalanin ang paghahari ng Diyos. Walang mas siguradong paraan ng pagtawag ng pansin ng Diyos liban sa pagpapakumbaba. Walang pagpapakumbaba kung walang pagkilala sa paghahari ng Diyos.
Kilalanin ang paghahari ng Diyos. Sa iyong buhay, mapagpakumbaba mong paghariin ang Diyos. Tawagin ang pansin ng Diyos dahil sa iyong pagpapakumbaba. Unless na ikaw ay may kapakumbabaan na lumalapit sa Diyos, hindi-hindi mo makukuha ang Kanyang pansin. Kaya, iwasan na sabihin palagi na ikaw ay busy kaya di mo mapaglingkuran ang Diyos. Wala itong pagpapakumbaba. Magsisi sa paggamit ng sari-saring dahilan kung bakit hindi ka maka-attend ng church o ng Bible Study. Wala din itong pagpapakumbaba. Maging mapagmahal sa kapwa. Tayuan ang katotohanan hindi ang kayabangan o ang kasinungalingan. Paghariin ang Diyos sa iyong buhay. Kaya kung gagawin mo ito, ang attention at pagpapala ng Diyos ay tunay na mapapasa-iyo.
Panalangin:
Ako ay nagpapakumbaba sa Iyo, O aking Diyos Ama. Nais kong maghari ka sa buhay ko. Ang kalooban mo ang maging laman ng aking puso’t isip. Ang kaharian Mo at paghahari mo ay aking pinahahalagahan. Tulungan mo ako na laging magpapakumbaba sa Iyo.
In Jesus’ Name, Amen.
Pagninilay:
Papaano naisalarawan ang pagpapakumbaba ng masakalanan sa tabi ni Jesus?
Ano ang ibig sabihin ng pangako ni Jesus sa mapagpakumbabang masakalanan?
Ang mapagpakumbabang masakalanan ay namatay na rin ilang oras matapos mamatay ni Jesus sa krus. Tayo bilang mga buhay pa ay may pagkakataon pa para maipakita sa Diyos ang ating pagpapakumbaba. Papaano natin ito magagawa?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions