December 1, 2023 | Friday

Mas Higit Na Alalahanin Ang Diyos

Today's Verse: Ecclesiastes 12:1 (MBBTag)

Alalahanin mo ang iyong Manlilikha sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga araw at taon na puno ng kaguluhan, panahong hindi mo na madama ang tamis ng mabuhay.


Read: Ecclesiastes 12

Ang higit na “alalahanin” ng lumalagong Kristiyano ay ang kilalanin ang Diyos at magkaroon ng sense of direction and fulfillment ang buhay mananampalataya.


Ang talata ay isang "conclusion" ni Solomon sa kabuuan ng Ecclesiastes. Dalawang linya ang madalas niyang sinasambit sa aklat na ito: "ang buhay ay walang kabuluhan sa ilalim ng araw” at “isang paghahabol lamang sa hangin". Kaya mariing pinapahayag niya na alalahanin ang Diyos sa panahon ng kabataan, bago dumating ang araw at panahon ng kaguluhan, sa panahon ng hindi mo nadama ang tamis ng mabuhay. Ang verses 1-7 ay inulit-ulit ni Solomon ang salitang "alalahanin" upang bigyang solusyon ang walang kabuluhang buhay at pawang paghahabol sa hangin na buhay.


Isang realidad ng buhay ay ang lahat ng tao, bagay, o situation ay hindi nananatiling palaging ganun. Tayong tao ay tumatanda. Lahat ay magbabago habang lumilipas ang panahon. Ito ay isang expectation na hindi maiiwasan at hindi mapipigilan ninuman. Isang pagpapatunay na ang tao ay may limitasyon. Hindi niya hawak ang kanyang buhay at  walang kontrol sa itinakda na ng Diyos na mangyayari. Kaya ganon na lamang inuulit ni Solomon ang salitang ‘alalahanin’. Anuman ang mangyayari sa buhay natin may Diyos na hindi nagbabago. Siya ang pag-asa at may hawak ng ating buhay. Makakasiguro tayo na higit na mainam ang ating kinabukasan kumpara sa ngayon – kung naghahari ang Diyos sa ating buhay.


Umasa tayo sa Diyos na siyang pag-asa at kinabukasan natin. Huwag tayong umasa sa swerte o magtampo sa minalas na buhay. Naisin natin ang kalooban ng Diyos. Lagi nating isaisip ang Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay oras sa ating panalangin at pag-aaral ng salita ng Diyos. Mahalaga ang pagbubulay-bulay ng Salita ng Diyos dahil naglalagay tayo ng magandang kaisipan patungkol sa Diyos na naghahatid sa atin sa tamang direksyon at katuparan ng ating bukas.

Panalangin:

Aming Ama, sa langit sa pangalan ni Hesus ako po ay nagpapasalamat sa kaunawaang bigay mo sa buhay ko. Kung wala Kayo isa lamang itong walang kabuluhan at umaasa na lamang sa swerte. Sa ngayon anuman ang maging bukas, wala akong pag-alala dahil kayo po ang may akda ng lahat. Punuin Niyo ang aking kaisipan ng mga bagay na naghahatid ng kaalaman ko patungkol sa Iyo. Ito po ang aking samo at dalangin. 

Sa pangalan ng Panginoong Hesus, Amen.

Pagninilay:

The Bible in 1 year: 2 Corinthians 4-6

 Written by: Miguel Amihan, Jr

Read Previous Devotions