December 12, 2024 | Thursday
UVCC Daily Devotion
Ang Maglingkod Sa Diyos
Today's Verses: Luke 16:13 (FSV)
Walang aliping makapaglilingkod sa dalawang panginoon. Sapagkat kapopootan niya ang isa ngunit iibigin ang isa pa. O kaya naman ay magiging tapat siya sa isa ngunit kamumuhian ang isa pa. Hindi kayo maaaring maglingkod sa Diyos at sa salapi.”
Read Luke 16
Karapat-dapat ba ang Diyos sa ating pag-ibig at katapatan?
Sa Luke 16:13, itinuturo ni Jesus na hindi maaaring magsilbi ang isang tao sa dalawang panginoon — sa Diyos at sa pera nang sabay. Ipinapakita nito na hindi dapat manaig ang pagmamahal sa mga materyal na bagay sa kadahilanang nagiging balakid ito sa tamang pakikipag-relasyon sa Diyos. May mensahe si Jesus tungkol sa paglilingkod sa Diyos.
May kompetisyon sa pagitan ng Diyos at ng pera. Sa ating puso ay nagaganap ang labanan. Malakas ang impluwensya ng pera at kaya tayong ilayo nito sa Diyos. Maaaring mangyari ang paglayo ng loob natin sa Diyos nang hindi natin namamalayan. Minsan, ang mabuting intensyon ay nagiging dahilan para hindi sambahin ang Diyos. Ang madalas na pagka-abala sa mga makamundong bagay ay nagiging sanhi ng pagpapaliban sa pakikipagniig sa Kanya. Maaaring dumating sa punto na ang pera na ang ating pinaglilingkuran: kapag inuuna na natin ang pera kaysa sa Diyos, kapag kinokontrol na ng pera ang ating emosyon at direksyon sa buhay, kapag nasasabi nating mahal natin ang Diyos pero sobrang kulang tayo sa oras para sa Kanya, at kapag nagiging dahilan ang mga pangangailangan sa buhay sa panghihina ng ating pagmamahal katapatan sa Kanya. Ang pagiging tapat sa Diyos ay nangangahulugan ng pagbibigay ng buong pansin natin sarili sa Kanya. Mahal natin ang Diyos kapag Siya ang ating pinaglilingkuran. Nawa, ngayong araw at araw-araw ay mapagtagumpayan natin ang pagsubok kung kanino natin ibibigay ang ating pagmamahal, katapatan, at paglilingkod—sa Diyos ba o sa pera.
Siyasatin ang puso natin sa level ng pagmamahal at katapatan sa Diyos. Mahalin ang Diyos ng buong puso. Hindi pwedeng sabihin na mahal ang Diyos pero hindi tapat sa Kanya. Huwag magtapos sa mga salitang "mahal ko ang Diyos," kundi ipakita ito sa bawat salita at maging sa gawa. Maglingkod ng tapat sa kanya kasama ng ating pamilya. Magsakripisyo para sa Diyos. Sundin ang kalooban ng Diyos. Maging tapat sa Diyos sa lahat ng pagkakataon.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, salamat sa kaliwanagan ng isip. Tulungan mo akong mahalin ka at maging tapat sa Iyo. Nawa ikaw lamang ang pangunahin sa aking puso. Patawarin mo ako sa anumang pagtataksil ko at pagsuway ko sa Iyo.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang silent competition na mayroon sa pagitan ng Diyos at ng pera sa loob ng ating puso?
Bakit mahalaga ang paglingkuran ang Diyos?
Paano paglingkuran ang Diyos ng may pagmamahal at may katapatan?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions