December 11, 2024 | Wednesday
UVCC Daily Devotion
Si Jesus Ang Ilaw Ng Sanlibutan
Today's Verses: John 8:12 (FSV)
At muling nagsalita sa kanila si Jesus, “Ako ang ilaw ng sanlibutan; ang sumusunod sa akin kailanma'y hindi mamumuhay sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay.”
Read John 8
Ang mga salita ba ni Jesus ang pinakapinagbabasihan mo ng gabay at direksyon sa sa iyong buhay?
Sa John 8:12, sinabi ni Jesus, "Ako ang ilaw ng sanlibutan; ang sumusunod sa akin ay hindi maglalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng liwanag ng buhay." Ang pahayag na ito ay kasunod ng insidente kung saan pinatawad ni Jesus ang isang babaeng nahuli sa pangangalunya. Habang nasa templo, pilit man Siyang pinapawalang bisa ng mga Pariseo, ngunit ipinakita pa rin ni Jesus ang Kanyang kapangyarihan bilang Tagapagligtas.
May kanya-kanya tayong madilim na nakaraan—trauma, malaking problema, malubhang sakit, pagkakamali sa buhay, o mga nagawang kasalanan. Ang mga ito ang nagbibigay-dilim sa ating kasalukuyan. Bukod sa emosyonal na mga dahilan, mayroon ding espirituwal na kadahilanan kung bakit nasa kadiliman ang sanlibutan. Dahil dito, tayo ay nangangailangan ng matinding gabay sa buhay, na dala ng Salita ng Diyos. Maaaring tayo’y may kaalaman at mga karanasan na sa buhay kaya't mas marunong na tayo. May mga bagay o pangyayari na maaari nating pagbasihan para maiwasan na ang mga pagkakamali sa buhay. Gayunpaman, kailangan pa rin natin ang gabay na mula kay Jesus Christ. Si Jesus ang ilaw na nagbibigay liwanag sa ating buhay. Kahit na pakiramdam natin ay ayos naman ang buhay at hindi natin ganoon kinakailangan si Jesus, aantayin mo pa ba na dumating ang mas matinding problema bago mo ipasakop ang buhay mo sa Diyos? Hindi natin alam ang mangyayari. May mga kadiliman sa ating buhay at sa sanlibutan. Si Jesus lamang ang ilaw na magbibigay ng kaliwanagan sa ating buhay.
Ipasakop mo ang iyong buhay sa Panginoong Jesus. Bigyan mo Siya ng karapatan sa iyong buhay. Ibigay natin sa Kaniya ang "all access" sa bawat bahagi ng ating buhay. Huwag padala sa pakiramdam. Makinig at sumunod sa Salita ng Diyos upang tayo’y maliwanagan. Araw-araw nangungulit ang kadiliman. Kaya araw-araw din tayong tumanggap ng liwanag mula sa Diyos. Araw-araw, pilit tayong binabagabag ng ating madilim na nakaraan o negatibong emosyon. Kaya, ipasakop natin ang ating puso sa Diyos.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, humihingi ako ng kapatawaran sa lahat ng aking kasalanan at pagkakamali. Baguhin ang aking puso. Tinatanggap kita bilang aking Tagapagligtas. Gabayan mo ako, Panginoon, Hangunin mo ako sa anumang kadiliman sa aking buhay.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Aantayin mo pa ba na dumating ang mas matinding problema bago mo ipasakop ang buhay mo sa Diyos?
Anong kadiliman sa buhay at sa puso mo ngayon na kailangan mo ang kaliwanagan ni Jesus?
Paano pasimulan ang biyaya mula sa kaliwanagan ni Jesus Christ?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions