December 7, 2024 | Saturday
UVCC Daily Devotion
Si Jesus Ay Magbabalik
Today's Verses: Matthew 25:1,13 (FSV)
1Ang kaharian ng langit ay maihahalintulad sa sampung dalaga na kumuha ng kani-kanilang ilawan at lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. ... 13Kaya't magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras man.
Read Matthew 25
Ikaw ba ay excited at ready or takot at atubili sa ikalawang pagbabalik ni Jesu-Kristo?
Sa Matthew 25:1-13, isinalaysay ni Jesus ang talinghaga ng sampung dalaga. Limang dalaga ay matalino at nagdala ng langis para sa kanilang mga ilawan, habang ang lima ay hangal at hindi nagdala. Nang dumating ang kasalan, ang mga hangal ay hindi nakapasok dahil nasarhan na sila. Ang talinghaga ay nagtuturo ng kahalagahan ng pagiging handa at pagmatyag, sapagkat hindi natin alam ang oras ng pagbabalik ng Panginoon Jesus.
Maraming takot ang nararamdaman ng mga tao. Isang negatibong emosyon ang takot. May taong takot sa daga o ipis, at may iba naman na takot sa dilim. Ang takot ay may kakambal na negatibong emosyon tulad ng pag-aalala. Kapag ang takot at pag-aalala ay humalo pa sa iba pang negatibong emosyon, at may kasamang positibong emosyon, nagiging ‘mixed emotions’ na ito. Kapag pinag-uusapan ang pagbabalik ni Jesus, may mga Kristiyanong may ‘mixed emotions’. May excitement, ngunit may takot din. Gusto nilang bumalik si Lord, pero gusto din na huwag muna. Sa iba, maaaring ready na sila dahil sa mga pangako ng pagbabalik ni Lord. Ngunit sa isang banda, may pag-aalinlangan dahil baka may mga hindi pa naresolbang issues o kasalanan. Iba naman ay nag-eenjoy pa sa mundo. Binilinan tayo ng Panginoong Jesus na ang Kanyang pagbabalik ay biglaan. Madilim ang panahon na iyon at kinakailangang magliwanag ang mga totoong Kristiyano habang nag-aantay ng Kanyang pagbabalik. Ngunit may mga hindi handa at hindi pinaghandaan ang pagbabalik. Anuman ang ating kalalagayan ngayon, mayroong sense of urgency na kailangang mas bigyan ng pansin ng lumalagong Kristiyano.
Harapin ang iyong takot at pag-aalala. Kung ikaw ay naguguluhan o natatakot sa pagbabalik ni Jesus, alamin na sayang ang panahon kung ika’y magpapabaya. Huwag magtago sa kasalanan. Huwag unahin ang kasiyahan sa mundo. Maging handa ng may kaalaman at kasiguraduhan. Damhin ang sense of urgency. Pagtibayin ang pananampalataya. Magliwanag sa gitna ng dilim. Ipakitang handa at excited ka sa pagbabalik ng Panginoon.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, patawarin Mo po ako sa aking mga kasalanan at pagkukulang. Tulungan kaming bawasan at iwanan ang maling pagmamahal sa mundo. Tanggalin ang takot sa aming puso. Sa Iyo ang aming buhay.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang mga katotohanan na dapat nating pagtuunan ng pansin para sa pagbabalik ni Cristo?
Ano ang kinalaman ng takot at pag-aalala sa pagbabalik ni Cristo?
Paano tayo dapat maghanda para sa pagbabalik ni Cristo?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions