December 9, 2024 | Monday

UVCC Daily Devotion

Bakit Nag-Iisip Kayo Ng Masama Sa Inyong Mga Puso?

Today's Verses: Matthew 9:4 (FSV)

Subalit dahil nalalaman ni Jesus ang kanilang mga iniisip, sinabi niya, “Bakit nag-iisip kayo ng masama sa inyong mga puso?


Read Matthew 9

May kinalaman ba ang mga nilalaman ng ating puso sa ating mga pananaw sa buhay?


Sa Matthew 9:1–8, isinusulong ni Jesus ang pagpapagaling ng isang paralisadong lalaki. Habang binibigyan ng kalusugan, pinatawad din niya ang mga kasalanan ng lalaki. Ang ginawa na ito ni Jesus ay nagdulot ng pag-aalinlangan sa mga Pariseo. Kaya sa verse 4, sinabi ni Jesus, "Bakit ninyo iniisip ang masasamang bagay sa inyong mga puso?" Pinapakita nito na ang pagpapatawad ng kasalanan ay higit na mahalaga kaysa sa pagpapagaling ng katawan.


Alam ni Jesus ang bawat iniisip at nilalaman ng puso natin. Kung iisipin natin na walang lingid sa kaalaman ng Diyos, at kung mas magbubulay-bulayan tayo, ano kaya ang tanong ni Jesus tungkol sa mga nilalaman ng ating mga puso? Sigurado, pwede tayong magdahilan sa Kanya at ipagtanggol ang ating sarili sa iniisip ng ating puso. Pero kung magpapakumbaba tayo at magpapasiyasat, kahit na masakit sa ating 'pride' ang proseso ng pagwawasto ni Lord sa atin, alam din natin na mas kapaki-pakinabang kung tayo'y tatalima at magiging masunurin. Halimbawa, ang utos ng Diyos na magpatawad ay maaaring mahirap pa rin unawain at sundin, lalo na kung ikaw ang nasaktan at nagawan ng kasalanan. Minsan, mahirap tanggapin na ang Diyos ay nagpapatawad at nagpapagaling ng mga tao kahit na hindi sila karapat-dapat. O kaya'y may mga utos ng Diyos na alam mo, ngunit hanggang ngayon ay hindi mo pa rin nasusunod dahil sa iba't ibang palusot at kadahilanan. Maaaring may mga aspeto ng karakter at galawan ng Diyos na hindi mo pa rin lubos na nauunawaan o tanggap dahil sa iyong pagdududa o pagsuway. May kalayaang dulot kung bibigyan pansin natin ang pagsisiyasat ng Diyos sa ating mga puso.


Bigyan pansin ang pagsisiyasat ng Diyos sa ating mga puso. Maging tapat sa Diyos sa lahat ng nararamdaman at motibo. Huwag matakot magpasiyasat at magpakumbaba sa Kanya. Tanggapin ang mga pagwawasto ng Diyos at magtiwala na ang bawat hakbang Niya ay magdadala sa atin ng kalayaan at pagpapagaling.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, humihingi po ako ng kapatawaran sa masamang nilalaman ng aking puso. Tinatanggap ko po ang Iyong mga pagwawasto at humihiling ng tulong upang magpakumbaba. Linisin Mo po ang aking puso at ituro sa akin ang tamang landas ng pagtitiwala, pagpapagaling, at pagpapatawad.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: 1 Chronicles 13-14

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions