December 14, 2024 | Saturday

UVCC Daily Devotion

Mananatili Ang Salita Ng Diyos

Today's Verses: Luke 21:33 (FSV)

Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit hinding-hindi lilipas ang aking mga salita.


Read Luke 21

Nararamdaman mo ba ang kapanatagan mula sa walang-katapusang kalikasan ng Salita ng Diyos?


Sa Luke 21, ipinapahayag ni Jesus ang mga hula tungkol sa mga darating na pagsubok at ang pagwawakas ng mundo. Pinapaalala Niya na ang langit at lupa ay lilipas, ngunit ang Kanyang mga salita ay mananatili magpakailanman. Ang mensahe ay nagpapaalala na, sa kabila ng mga pagsubok at pagbabago sa buhay, ang mga pangako at turo ni Jesus ay hindi magbabago at magtatagal.


Anuman ang sinabi o ipinangako ng Diyos ay siguradong mangyayari. Maski ang langit at ang lupa na parang imposibleng mawala ay hindi tatapat sa walang-hanggang kalikasan ng Salita ni Jesus. Ngunit may mga nagsasabi na hindi sapat o kulang ang Bible. Kailangan ang mga propeta o religious teachers na nagsasabi na kailangan sila ng Biblia para maging makatotohanan ito. May iba naman na hinahamon ang pagiging ‘absolute truth’ ng Bible pagdating sa moralidad. Sinasabi nila na lipas na ang Bible para sa makabagong panahon. May iba naman na mas madalas na binabalewala ang Bible dahil sa sariling pangarap, mga kaabalahan, at makamundong pananaw. Para sa kanila, ‘last option’ ang Bible dahil sanay sila na sarili ang nasusunod. Sa kabila ng lahat ng pag-reject sa Bible, mayroon pa ring mga iilang tao na itinalaga ang kanilang buhay sa mga katotohanan ng Bible. Sila ay mga simpleng tao na inaaral at binubulay-bulay ang Biblia ng may sapat na pansin. Busy din sila, pero hindi sila ganoon ka-busy para balewalain ang Bible. Ang kanilang commitment sa Bible ay tumataas. Ang kanilang pagsunod sa Bible ay dumadalas. Ang kanilang puso, pagsamba, pagsunod, at paglilingkod ay para lamang sa Panginoong Jesus.


Gawing pangunahin ang Bible sa lahat ng bahagi ng iyong buhay. Gawin kasanayan ang pagsunod sa Bible. Gawing gabay ang karunungan na dala ng Salita ng Diyos. Kilalanin si Jesus, sambahin, sundin, at paglingkuran Siya. Alalahanin ang younger generation at gabayan sila. Alalahanin ang mga nagugulumihanan. Maging daluyan ng pagpapala bilang pagsunod kay Jesu-Kristo.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, itama mo ang aking pananaw sa iyong Salita. Palalimin ang aking pakikipag-niig sa sa iyong Anak. Gabayan Mo ako ng Iyong Espiritu Santo. Tulungan mo akong pahalagahan ng nararapat ang Salita mo.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: 1 Chronicles 19-20

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions