December 18, 2024 | Wednesday

UVCC Daily Devotion

Ang Mapagtagumpayan Ang Pagdududa

Today's Verses: Matthew 11:4–6 (MBBTag)

4Sumagot si Jesus, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong naririnig at nakikita. 5Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. 6Pinagpala ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”


Read Matthew 11

Naniniwala ka bang may dahilan ang bawat pagsubok na dumarating sa buhay, at si Jesus ang may sagot?


Sa Mateo 11:4-6, sumagot si Jesus kay Juan Bautista na nagdududa kung Siya nga ba ang Tagapagligtas. Ipinakita ni Jesus ang Kanyang mga himala—pagpapagaling, pagbabalik-loob ng makasalanan, at pagpapahayag ng Mabuting Balita. Pinatibay Niya na ang Kanyang misyon ay puno ng pag-asa at kaligtasan, kaya't hinikayat ang lahat na magtiwala at magpatuloy sa pananampalataya.


Ang pagdududa sa Diyos at sa Kanyang kakayahan ay madalas nagmumula sa mga sitwasyong puno ng kalituhan at kawalang-katiyakan. Minsan, kahit tayo ay sigurado sa mga desisyon at hakbang natin, may mga pagkakataong nagkakamali tayo at nagsisimula nang pagdudahan ang ating mga ginagawa. Dahil dito, maaari rin tayong magduda sa Diyos. Nakakalungkot ito, ngunit may tamang paraan upang harapin ang ating mga pagdududa. Kapag tayo ay nagdududa, makakatulong ang tamang mga katanungan. Dapat malakas ang loob natin sa pagtatanong sa Diyos. Siya ay tutugon. Maraming ebidensya sa ating kapaligiran na nagpapakita ng dakilang kapangyarihan ng Diyos. Ang Kanyang mga dakilang gawa at ang mga sagot sa ating mga panalangin ay patunay ng Kanyang presensya sa ating buhay. Ang Salita ng Diyos ay nagbibigay-lakas ng loob at pag-asa kapag ito ay ating binabasa at inaaral. Si Jesus ay nagtuturo sa atin na maaari tayong tamaan ng pagdududa at kakulangan ng panananampalataya. Ngunit ang pagtingin sa mga konkretong patunay na totoo ang Diyos ay nagiging dahilan upang maalis ang pagdududa. Ang pagtitiwala kay Jesus ay susi sa pagtigil natin sa pagdududa.


Pagdudahan ang iyong pagdududa. Hindi makakatulong ang pananatili dito. Ang pagiging ‘tamang hinala’ ay isang anyo ng pagdududa. Kaya sundin ang utos ni Jesus lalo na kapag may pagdududa ka sa iyong sarili, kapwa, o sa Diyos. Pangalanan ang iyong pagdududa at itanong ito sa Diyos o sa ibang taong makakatulong. Huwag maging mapili sa sagot ng Diyos. Sariwain ang iyong pananampalataya sa pamamagitan ng mas malalim na pag-aaral ng Kanyang Salita.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, tulungan Mo akong magtiwala sa Iyong karunungan at gabay. Palakasin Mo ang aking pananampalataya sa oras ng pagdududa at kalituhan. Punuin Mo ang aking puso ng kapayapaan at patnubayan sa bawat desisyon. Inilalagay ko sa Iyong mga kamay ang aking mga alalahanin. Amen.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.

Pagninilay:

The Bible in 1 year: 1 Chronicles 23-24

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions