December 16, 2024 | Monday

UVCC Daily Devotion

Pananalangin Ayon Sa Layunin Ng Diyos

Today's Verses: Juan 11:41-42 (ASD)

41Kaya inalis nila ang bato. Tumingala si Jesus sa langit at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo, dahil dininig mo ako. 42Alam kong lagi mo akong dinidinig, at sinasabi ko ito para sa kapakanan ng mga nasa paligid ko upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.”


Read John 11

Naniniwala ka ba ng sapat sa pananalangin para manalangin ka?


Sa John 11:41-42, bago buhayin ni Jesus si Lazarus, nanalangin Siya bilang pagpapakita ng Kanyang kaugnayan sa Diyos Ama. Nagpasalamat Siya sa Ama, ipinapakita ang tiwala na lagi Siyang dinirinig. Ginawa Niya ito hindi lamang para sa sarili Niya, kundi upang makita ng mga tao ang kapangyarihan ng Diyos at maniwala sila na Siya ang isinugo para magdala ng kaligtasan.


Ang panalangin ay mahalaga dahil ito ang paraan upang makipag-usap tayo sa Diyos nang may pananampalataya. Madalas, iba’t iba ang tugon ng tao sa panalangin—may ilan na umiiwas dahil iniisip nilang hindi sila karapat-dapat o naghahanap ng dahilan upang umiwas dito. Ang iba’y natutuwa kapag sila’y ipinapanalangin, ngunit nag-aatubili naman kung sila na ang mananalangin. Sa kwento ni Jesus sa John 11:41-42, ipinakita Niya na ang panalangin ay higit pa sa ritwal. Ito ay pagpapahayag ng malapit na relasyon Niya sa Diyos Ama. Ang panalangin Niya ay puno ng pasasalamat at pagtitiwala, na nagbunga ng himala bilang patunay na Siya ay ipinadala ng Ama. Ganito rin dapat ang ating pananalangin—may pananampalatayang tumutugon ang Diyos ayon sa Kanyang layunin. Ang ganitong klase ng pananalangin ay humahamon sa ating makamundong pagdududa at sa hindi makadiyos na pagtitiwala sa ating sarili. Sa mabuting pananaw, nakaka-excite isipin na sa pamamagitan ng pananalangin, nagiging malapit tayo sa kagandahang-loob ng Diyos, nagkakaroon tayo ng kapayapaan kahit sa pinakamahihirap na sitwasyon, at nakararanas tayo ng himala upang maparangalan ang Diyos dahil kay Jesus.


Manalangin ka nang may tiwala sa Diyos. Huwag kang matakot o magduda—ang panalangin ay hindi tungkol sa kakayahan mo, kundi sa kapangyarihan ng Diyos. Lumapit ka sa Kanya nang may pasasalamat at pananampalataya. Hayaan mong makita ata maramdaman ng iba ang Diyos sa buhay mo. Gamitin ang problemadong pagkakataon para ikaw ay makaranas ng himala. Manalangin ka para madakila ang Diyos sa lahat ng sitwasyon mo.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, salamat sa Iyo Presensiya sa aking buhay. Ako’y nagpapakumbabang nagsisisi sa mga pagkakataon na ako’y nagduda sa Iyo. Nais kong maranasan ang Iyong himala sa aking buhay at sa aking pamilya.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.

Pagninilay:

The Bible in 1 year: 1 Chronicles 21-22

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions