December 2, 2024 | Monday

UVCC Daily Devotion

Pagsamba Sa Pamamagitan Ng Espiritu At Katotohanan

Today's Verses:  John 4:23-24 (ASND)

23Tandaan mo, darating ang panahon, at narito na nga, na ang mga tunay na sumasamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan. Ganito ang uri ng mga sumasamba na hinahanap ng Ama. 24Ang Dios ay espiritu, kaya ang sumasamba sa kanya ay dapat sumamba sa pamamagitan ng espiritu at katotohanan.”


Read John 4

Ang pananaw mo ba sa pagsamba ay ang ma-bless ka o ma-bless si Lord?


Sa Juan 4:23-24, sinabi ni Jesus na ang tunay na pagsamba ay hindi nakabatay sa lugar kundi sa espiritu at katotohanan. Sa kabuuan ng Juan 4, ito ay nangyari sa pag-uusap ni Jesus sa Samaritana sa balon. Ipinakita ni Jesus na ang Diyos ay hinahanap ang mga tunay na sumasamba sa Kanya, hindi sa anyo kundi sa puso.


Maaaring narinig mo na ang mga salitang "Nabless ako kanina sa worship" o "Hindi ako nabless kanina sa worship." Anuman ang naging pamantayan dito, may mga pagkakataong nag-agree ka o nag-disagree. Baka panahon na para tanungin natin ang ating sarili: Ang pagsamba ko ba sa Diyos ay para ako’y ma-bless, o para mabless ko ang Diyos? Ang kaisipan dito ay batay sa mga itinuro o nakasanayang katuruan. Kaya’t madalas hindi naiisip na may ibang aspeto pala ng pagsamba. Ito rin ay palaisipan dahil aayon ba tayo hindi aayon sa Biblia. Kahit sino ay maaaring sumamba. Maraming ding paraan ng pagsamba. Ngunit may uri lamang ng pagsamba na tinatanggap ng Diyos: ang pagsamba "sa pamamagitan ng espiritu at katotohanan." Ito ang klase ng pagsamba na hinahanap ng Diyos Ama. Ang pagsamba ay para sa Diyos lamang. Hindi ito tungkol sa kung blessed ka o hindi, kundi para mabless mo si Lord. Kung tatanggapin ito ng mas maraming tao, magkakaroon ng panibagong sigla ang buhay. Kung magkagayon, mas magiging tapat ang churches sa pagpapalaganap ng tunay na pagsamba sa Diyos.


Tanungin mo ang sarili: Ang pagsamba ba ay para ako ay ma-bless o para ma-bless ang Diyos? Alamin na ang tunay na pagsamba ay sa pamamagitan ng espiritu at katotohanan lamang. Huwag mag-focus sa sarili, kundi sa pagpaparangal kay Lord. Tanggapin ito at baguhin ang iyong pananaw. Ituro sa iba ang tamang pagsamba na mula sa Biblia. Gamitin ito para sumigla ang iyong pananampalataya at magbigay ng sigla sa mga kapatiran. Sumamba nang tapat.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, patawarin Mo ako sa aking pagsamba na tungkol sa aking sarili. Ituwid Mo ang aking pananaw patungkol sa pagsamba. Aking muling inaalay ang buhay ko sa Iyo. Ituro Mo sa akin ang tunay na pagsamba sa pamamagitan ng espiritu at katotohanan. 

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: 1 Chronicles 1-2

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions